PUMALO na sa P1.16 bilyon ang halaga ng pinsalang dulot ng bagyong “Ambo,” ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa naturang halaga, mahigit P1.039 bilyon ang pinsalang dulot sa sektor ng agrikultura sa Calabarzon, Bicol, at Eastern Visayas, sabi ng NDRRMC sa ulat nito.
Nasa P121 milyon naman na ang halaga ng naitalang pinsala sa imprastruktura.
Kabilang sa mga napinsala ang 126 paaralan sa Ilocos region, Cagayan Valley, Cordillera, Central Luzon, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol, at Eastern Visayas; at siyam na health facility sa Albay, Sorsogon, Western Samar, at Eastern Samar.
Hiwalay pa dito ang 11,052 bahay na nawasak at napinsala, sa Eastern Visayas pa lamang.
Ayon sa NDRRMC, 54 katao na ang naitalang nasugatan dahil sa bagyo.
Hindi pa nag-uulat ang ahensiya ng bilang ng mga nasawi dahil kay “Ambo,” bagamat may pito katao nang naiulat na namatay noong kasagsagan ng bagyo.