COVID-19 testing para sa PBA employees sasagutin ng SMC

Para masigurong ligtas ang mga taong nasa likod ng Philippine Basketball Association (PBA) ay inalok ni San Miguel Corporation president at COO Ramon S. Ang na sasagutin ng SMC ang libreng COVID-19 testing para sa 41 empleyado ng liga.

Simula nang ipatupad ang anumang uri ng community quarantine sa bansa ay nanguna na SMC sa pagbibigay ng ayuda para sa mga mamamayan at pagbigay suporta sa mga frontliners sa buong bansa. Nag-donate rin ang SMC ng RT-PCR testing machines at automate RNA machines sa ilang pangunahing pampublikong ospital.

Ngayon naman, nais ni Ang na tulungan ang pamilya nito sa PBA kung saan kabilang ang mga koponan nitong San Miguel Beer, Magnolia at Barangay Ginebra.

Pumunta mismo si Barangay Ginebra board of governor at SMC sports director Alfrancis Chua sa tanggapan ng PBA noong Lunes at sinabi nito kay PBA commissioner Willie Marcial ang alok ni

Ang para sa mga regular na empleyado ng liga.

“Pinapaabot namin ang taos-pusong pasasalamat kay SMC President Ramon Ang sa malaking tulong na kanyang ibinabahagi upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga empleyado ng PBA,” sabi ni Marcial..

Gayunman, wala pang katiyakan kung kailan muling bubuksan ang liga na itinigil dahil sa banta ng pandemic ilang araw lamang matapos magbukas ang ika-45 season nito noong Marso.

Ang naturang COVID-19 testing ay isasagawa sa San Miguel headquarters sa Ortigas, ayon kay Chua.

Balak ng liga na magbabalik operasyon sa huling linggo ng Mayo o sa unang linggo ng Hunyo. Gayunman, hindi pa makapaglalaro ang liga hanggang walang pahintulot mula sa gobyerno.

“If the situation improves, leading to the lifting of restrictions by August, then we can resume play in September,” sabi ni Marcial.

Aniya, kailangan ng mga manlalaro ng isang buwan para maihanda ang kanilang mga sarili.

Read more...