‘Bawal Lumabas’ ni Kim sinakyan na rin ni Harry Roque: Sumunod sa batas

KIM CHIU

HINDI sinasadya ni Kim Chiu ang nag-viral niyang komento tungkol sa law of classroom. Pinagpistahan ‘yun, nang-agaw ng atensiyon ng publiko, kaya nga lang ay pinagtatawanan ang kanyang litanya.

    Palibhasa’y mas matatas siya sa Cebuano at Chinese, hindi niya naipaliwanag nang maayos ang kanyang punto tungkol sa sikat na ngayon na law of classroom.

    Kahit nga ang spokesman ng Palasyo na si Secretary Harry Roque ay nakiangkas na rin sa law of classroom ng aktres.

    Oo nga naman, kung sumusunod sa disiplinang pinaiiral ng gobyerno at ng DOH ang ating mga kababayan ay puwede naman silang lumabas ngayong idineklara na sa ilalim ng modified enhanced community quarantine ang maraming lugar sa bansa, ikinumpara ‘yun ni Attorney Harry Roque sa law of classroom ni Kim Chiu.

    Kahit nga si Kim, nang balikan niya ang kanyang litanya tungkol du’n ay natawa rin, hindi rin niya maintindihan ang mga pinagsasabi niya kaya humingi na lang siya ng paumanhin.

    Pero hindi man niya naitawid nang malinaw ang ibig niyang sabihin ay madali namang intindihin ‘yun, may batas nga naman ang silid-aralan na hindi basta-basta puwedeng lumabas ang estudyante, maliban na lang kung talagang kailangan.

    Kung nagagawa naman ng mag-aaral ang mga ipinagagawa ng guro ay walang problema, puwede namang mag-excuse ang estudyante, papayagan naman siya ng kanyang teacher.

    ‘Yun ang ibig sabihin ni Kim, pero hindi niya ‘yun naitawid nang malinaw, kaya pinagtawanan at binash-bash siya tungkol du’n.

    Ang mahalaga ay ang intensiyon, ang importante ay ang kanyang malasakit sa mga kababayan natin, ‘yun lang naman ‘yun.

Read more...