Maghihirap nga ang mahihirap (Walong 8 dahilan, bakit?)

Lito Bautista, Executive Editor

OO nga naman.  Maghihirap nga ang mahihirap.  Patuloy pa silang maghihirap kung…
1.  Hindi sila mag-aaral (ang karaniwang natapos ng manggagawa ngayon ay high school at marami pang di nakatapos ng high school.  Nakatapos man ng kolehiyo ay bobo pa rin, kaya’t elevator operator lang ang iba).
2.  Kung hindi sila magsisikap (bakit ba likas na katangian ng marami ang hirap magtrabaho ng walong oras at parating uwian ang nasa isip, o kundi’y “half-day.”
3.  Kung patuloy silang humahanga at halos araw-araw ay sinusundan ang buhay ng kanilang paboritong artista (sa squatter, halos maghapong nakasalampak sa harap ng TV ang mga residente, simula tanghali, saglit na mapuputol, at simula hapon hanggang sa kalaliman na ng gabi.  Maraming oras ang nauubos at di na babalik ang naubos na oras, araw at panahon.  Kung walang jumper, lumalaki ang bayad sa kuryente nang wala namang napakinabangan kundi’y tsismis ng buhay nang may buhay).
4.  Sa maliit na suweldong arawan ay may inilalaan nang pambili ng alak (konti lang naman daw at pampatulog lang naman daw pagkatapos ng maghapong trabaho.  Kaya kung may trabaho bukas ay maglalaan na naman ng “konting pera sa alak”) at sigarilyo (yung iba naman ay maglalan ng pambili ng “kurot” o shabu).
5.  Sa maliit na suweldong arawan ay maglalaan ng pangtong-its, pantaya sa loteng o jueteng; o pantaya sa lotto dahil kapag tumama nga naman ng milyones, biglang-ahon sa kahirapan bukas na bukas din.
6.  Sa maliit na suweldong arawan ay maglalaan din ng pambili ng load sa kalapit na tindahan, imbes na ibili na lang ito ng saging o murang multivitamins.
7.  Paloloko na naman sila sa mga sikat at artistang politiko na sumahin mo man ay walang naidulot sa pag-unlad ng buhay sa squatter.
8.  Maniniwala sila sa Simbahang Katolika na kasalanan sa Diyos ang magplano ng pamilya gayung lagpas na sa lima ang mga anak at malapit na ring lipasan ng gutom ang mga ito dahil hindi naman lumaki ang suweldo o di naman tumaas ang presyo ng mga napupulot at ibinebenta sa junk shop.

BANDERA, 030810

Read more...