POSIBLENG maging abusado ang isang tao kapag naging dependent na sa kanyang mga kaibigan, lalo na pagdating sa usapin ng pera.
Ito ang paniwala ng TV host-comedian na si Vice Ganda kaya hangga’t maaari ay hindi talaga siya nagpapautang sa kahit sinong kaibigan niya.
Aniya, isa ito sa mga dahilan kung bakit nasisira ang magandang relasyon ng mga magkakaibigan, ibang level daw talaga ang magiging impact sa friendship kapag pera na ang issue.
“Maraming pagkakataon sa buhay ko, na yung kaibigan ko naging kaaway ko matapos ko pautangin. So hindi ako magpapautang,” ang ipinagdiinan ni Vice sa kanyang Facebook Live with his stand-up comedian friend MC Calaquian.
Pagpapatuloy ng It’s Showtime host, “Maaaring mag-extend ako ng tulong, bigay ko na lang. Pero depende, ha. Kung anong inuutang.
“Kunwari, mangungutang ka sa akin ng malaking pera, tapos hindi mo naman mababayaran, tapos mag-aaway lang tayo, tutulungan na lang kita.
“Aabutan na lang kita ng kung anong kaya ko lang. Help ko na lang sa ‘yo. Yung kulang, bahala ka na dumiskarte sa pamamaraang alam mo. Siguro minsan sa sobrang awa na rin, at pag kailangang-kailangan talaga, baka magpautang ako,” mahabang paliwanag ni Vice.
Hangga’t maaari, ayaw ding sanayin ni Vice ang isang tao na dumepende lagi sa kanya dahil baka ang maging ending nito ay umabuso naman.
“Pero hindi ko uugaliin na pagbigyan sila. Kasi habang inuugali mo na pagbigyan sila, dine-develop mo rin yung pag-uugali nila na umutang na lang nang umutang.
“Kasi feeling nila that’s the only way, kung saka-sakali, uutang ako. Kapag naranasan nila yung, ‘Sh**t, walang mautangan.’ Magtatanda iyan.
“At hindi na siya papayag na maulit ulit yun. Isusumpa niya yung pagkakataon na nangutang siya. At ang gagawin niya, sa oras na iyon, magsisimula siyang mag-ipon para hindi na maulit yung pangyayaring yun,” punto pa ng komedyante.
Pero sabi ni Vice, naiintindihan niya yung feeling nang walang-walang dahil nanggaling na rin siya roon, “Ang hirap kaya magmukhang kawawa. Pero paminsan-minsan kailangan mo magmukhang kawawa para masaktan.
“Para sabihin mo sa sarili mo na, ‘Hindi na mauulit iyon. Hindi na ako magmumukhang kawawa ulit. I will strive harder.’
“Pero may pagkakataon naman talaga kung kailangan na kailangan ng tulong, hindi naman dahil sa tamad sila, pero kailangan talaga nila ng tulong, or hindi na sapat.
“Meron namang mga tao na deserve ng tulong at hindi natin ipagkakait iyon.
“Pero may mga tao rin talaga na abusado. Yung mga abusado, dapat iparamdam mo sa kanila, ‘Girl, abusado ka, hindi mo deserve ng tulong,'” diin pa ng Phenomenal Box-office Star.