Bea special request ni Mega sa Star Cinema; Kapamilya stars rarampa sa ‘OKS’

PERSONAL na hiniling ni Megastar Sharon Cuneta sa Star Cinema na sana’y mabigyan siya ng chance na makasama si Bea Alonzo sa isang proyekto.

Talagang ipinagsigawan ni Shawie sa buong universe na matagal na niyang pangarap ang makatrabaho si Bea sa pelikula.

Sa kanyang Mother’s Day benefit concert last Sunday, sinabi ng Megastar na kahit daw online project lang ang ibigay sa kanila ni Bea ay papayag na siya basta matupad lang ang dream niya.

“To Bea Alonzo whom I loved for many years,” simulang pahayag ni Sharon sabay banggit kay Olivia Lamasan ng Star Cinema, “Inang, hindi po talaga matatahimik ang aking puso hangga’t wala kaming project ni Bea.

Star Cinema, hello! Kahit gumawa na lang kami online, okay na rin sa akin,” sey pa ng singer-actress. Hirit pa niya, “Uy Idea ‘yun ha! Ha-hahaha! Okay.” 

Kung pagbibigyan ng Star Cinema ang hiling ni Mega, ito ang unang pagkakataon na magsasama sila sa isang project ni Bea.

Huling napanood si Sharon sa pelikulang “Three Words to Forever” noong 2018 kasama sina Richard Gomez at Kathryn Bernardo habang si Bea ay bumida sa 2019 movie na “Unbreakable” kasama sina Angelica Panganiban at Richard Gutierrez.

* * *

Patuloy na magbibigay ng saya, inspirasyon at impormasyon ang ABS-CBN at sa paglulunsad nito ng Online Kapamilya Shows o “OKS,” kung saan makakasama ang iba’t ibang Kapamilya stars para samahan at damayan ang mga manonood sa kanilang tahanan ngayong quarantine.

Tampok sa OKS ang mga programang madali at mabilis panoorin at linggo-linggong mapapanood sa oks.abs-cbn.com at ABS-CBN Entertainment YouTube channel.

Magbubukas ang panibagong digital platform nang may kilig at tawanan sa “Paligayahin Niyo Ako,” isang weekly dating challenge na pagbibidahan ng “Ang Lihim Ni Ligaya” stars na sina Kit Thompson, Argel Saycon, Raven Molina at Ivana Alawi. Dito, maglalaban-laban ang mga binata upang makuha ang puso ni Ivana at manalo ng isang Zoom date kasama ang dalaga. Mapapanood ito tuwing Huwebes, 9 p.m..

Makakasama rin ang netizens sa kulitan at kamustahan nina Angelica Pangamiban, John Prats, Pooh, Jason Gainza, Ryan Bang at Zanjoe Marudo sa “At Home with Banana Sundae” tuwing Biyernes, 7 p.m..

All-star ang kwentuhan ni Ruffa Gutierrez sa “Love Thy Chika,” kung saan makikipagkamustahan siya sa “Love Thy Woman” co-stars niyang sina Christopher de Leon, Sunshine Cruz, Eula Valdes, Yam Concepcion, Xian Lim, at Kim Chiu. Abangan din ang pagbibigay-saya ng special guest appearance ni Annabelle Rama sa talk show na mapapanood tuwing Linggo simula ngayong araw, 12 noon.

Samantala, full force naman ang barkada ng “I Can See Your Voice” nina Luis Manzano, Andrew E, Alex Gonzaga, Bayani Agbayani, Angeline Quinto, Kean Cipriano at Wacky Kiray sa online version ng Pinoy bingo sa “Bingo Ka ‘Day” at nakakatuwang guessing game sa ”Hula Who” tuwing weekend, 6 p.m..

Libreng medical consultation naman ang hatid nina Jodi Sta. Maria at Dr. Suzie Mercado sa “Doc Knows Best” kada Sabado ng 11 a.m. na nagsimula na kahapon, habang ipapasilip nina Angelica Panganiban, Billy Crawford at Coleen Garcia ang mga buhay nila bilang pet owners sa “KaPET Lang,” kada Linggo ng 5 p.m. simula ngayong araw, May 17.

 

Nagbabalik naman ang trending na tunggalian nina Romina at Daniela sa “KG Online,” kung saan maghaharap sina Beauty Gonzales at Dimples Romana sa challenges na tungkol sa kalusugan, karunungan, at kagandahan. Ito ay para sa mga napili nilang charity at mapapanood tuwing Miyerkules simula Mayo 20, 12 noon.

Ibibida naman ng cast ng “Pamilya Ko” sa pangunguna nina JM De Guzman, Sylvia Sanchez, Joey Marquez, at Maris Racal ang mga kwento ng iba’t ibang pamilya at mga frontliners sa “Pamilya Kowentuhan” tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes, 5 p.m. simula May 18.

Magbibigay-buhay at katatawanan ang real-life sweethearts na sina Kim Molina at Jerald Napoles sa pagdedebate sa mga napapanahong isyu sa pamamagitan ng rap sa “Promdibate,” tuwing Lunes, simula Mayo 18, 6 p.m..

Samantala, makiki-bonding naman sa kanilang fans ang The Gold Squad nina nina Kyle Echarri, Francine Diaz, Seth Fedelin, at Andrea Brillantes sa official YouTube account nilang may 2.14 milyong subscribers na. Patuloy silang magbibigay ng kilig at tuwa sa pagdiriwang nila ng kanilang first anniversary ngayong buwan. Panoorin sila sa tuwing Martes at Biyernes, 6 p.m..

Walang patid din ang mga chika at balita na hatid ni Boy Abunda sa “TWBA Express Updates,” kung saan idedetalye niya ang mga pinakapinag-uusapang isyu sa showbiz mula Lunes hanggang Biyernes tuwing 5, 7, at 9 p.m..

 

Read more...