Pagkakamali sa ABS-CBN franchise bill pwede pang ituwid bago pa i-veto ng pangulo

SA darating na Lunes magpupulong ulit ang Kamara sa plenaryo upang pagbotohan kung ipapasa o hindi ang House Bill No. 6732 (ABS-CBN franchise bill) na nagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN hanggang October 31, 2020.

Inaasahan ng marami na ito ay maipapasa ng Kamara, bagamat may kuwestyon kung nasunod ba ang pamamaraang itinakda ng Constitution sa pagpapasa ng isang panukalang batas.

Matatandaan na inaprubahan ng Kamara sa first at second readings ang panukalang batas noong nakaraang Miyerkules (May 13, 2020) o sa loob ng isang araw lang maski ayon sa Constitution ito ay hindi maaaring gawin.

Matapos maipasa ang panukalang batas ng Kamara, ito naman ay didinggin ng Senado at dadaan din ito sa first, second at third readings.

Sa May 19, 2020, didinggin na ng Committee on Public Services ng Senado ang ABS-CBN franchise. Dito, maaaring talakayin at dinggin ang mga reklamo at paratang laban sa ABS-CBN kung mayroon man.

Ang Senado ay may kapangyarihan, ayon sa Constitution, na magpanukala (propose) o sumang-ayon sa pamamagitan ng susog (concur with amendments) sa pinasang House Bill No. 6732 ng Kamara. Ang ibig sabihin nito, pwedeng gumawa ng panukalang batas ang Senado at baguhin o amyendahan ang House Bill No. 6732.

Maaaring ilagay ng Senado sa kanilang panukalang batas na ang termino ng ABS-CBN franchise ay hanggang June 30, 2022 o 1 taon o 25 taon. Walang obligasyon ang Senado na sundin ang mga provisions na nakalagay sa House Bill No. 6732, kasama na ang termino na hanggang October 31, 2020 lamang.

Kung sakali na yung inaprubahang panukalang batas ng Senado ay kontra o hindi sang-ayon sa House Bill No. 6732, magkakaroon ng isang Bicameral Conference Committee.

Halimbawa, kung sa inaprubahang panukalang batas ng Senado, ang termino ng prangkisa na ibinigay sa ABS-CBN ay hanggang June 30, 2022 o 1 taon o 25 taon pero sa House Bill No. 6732 ay hanggang October 31, 2020 lamang. Pag-uusapan ng mga representante ng Senado at Kamara sa bicameral conference ito, hanggang sila ay magkasundo sa isang termino na dapat ibigay sa ABS-CBN. Habang walang napagkakasunduan na katanggap-tanggap na termino sa dalawang lupon, walang batas na maipapasa, kaya wala ring ABS-CBN franchise na lalabas at lalong walang ABS-CBN sa ere.

Kung sakali namang magkasundo ang Senado at Kamara sa ABS-CBN franchise bill, kasama na ang termino nito, ito ay dadalhin sa Pangulo upang pirmahan para maging ganap na batas.

May kapangyarihan ang Pangulo sa Constitution na hindi aprubahan ang ABS-CBN franchise bill (enrolled bill) na ginawa at inaprubahan ng Kongreso kung sa tingin nito , ito ay hindi tama, hindi makatarungan o labag sa Constitution. Diskresyon ito ng Pangulo at walang pwedeng pumilit o pumigil sa kanya.

Dito, maaaring pumasok yung issue na sinunod ba ng Kamara ang proseso na itinakda ng Constitution sa pagpasa ng panukalang batas. Ipinasa ng Kamara sa first at second readings ang House Bill No. 6732 sa loob ng isang araw na bagamat ayon sa Constitution (Article 6, Section 26 No. 2) ito ay dapat ipasa sa magkakahiwalay na araw.

Kung sa tingin ng Pangulo na ito ay labag sa Constitution, maaari niya itong i-veto at ibasura ang inaprubahang ABS-CBN franchise bill ng Kongreso. Kapag ginawa ito ng pangulo, napakahirap na sa parte ng Kongreso na ipawalang bisa (overide)ang veto dahil kakailanganin nito ng 2/3 votes ng lahat ng miyembro ng Kongreso.

Pag-aralan sanang mabuti ng Kamara, pati na ng Senado, ang maaaring kahihinatnan ng posibleng hindi pagsunod sa proseso na itinakda ng Constitution sa pagpasa ng isang panukalang batas. Maaga pa at maaari pa itong ituwid.

Kung sakaling maaprobahan ng Kongreso ang ABS CBN franchise bill, may pagkakataon na ito ay i-veto at ibasura ng Pangulo dahil sa posibleng paglabag sa Constitution.

Huwag na sanang bigyan ng Kongreso ang pangulo na legal na dahilan para ito ay i-veto o ibasura.

Kung sakali namang maisabatas itong ABS-CBN franchise bill, maaring ma-question ang legalidad nito sa korte dahil sa posibleng hindi din pagsunod sa tinakda ng Constitution.

Read more...