SIGURADONG tameme at nganga ang mga bashers ng aktres na si Ara Mina.
Kalat na ngayon sa social media ang bonggang donasyon ng kapatid ni Cristine Reyes para sa mga pamilyang Pinoy na nawalan ng trabaho nang dahil sa lockdown.
Sa kanyang Instagram page, ipinost ni Ara ang isang mahabang truck na punumpuno ng saku-sakong bigas na ipamimigay sa iba’t ibang probinsya at siyudad na apektado pa rin ng COVID-19 pandemic.
Nagpasalamat si Ara sa lahat ng mga taong tumulong at nag-donate sa kanilang fundraising project para mas marami pang mabigyan ng ayuda ngayong panahon ng health crisis.
“On the 4TH week of ECQ our #TEAMDARVE donated a truckload of rice to those severely affected by the pandemic in the province of LAGUNA, QC, RIZAL, CALOOCAN and ANGELES, PAMPANGA,” caption ni Ara sa kanyang IG post.
“Ang munting tulong na ito ng aming #TEAMDARVE ay sana malayo ang marating.
“Salamat sa lahat ng LGU’S at volunteers na tumulong sa pamamahagi ng aming nakayanan.
“Kaya natin ito! Tulong-tulong tayo!” dagdag na mensahe pa ng aktres.
Kamakailan ay nabiktima rin ng pambu-bully sa social media si Ara matapos siyang mag-donate ng makeup para sa frontliners. Pero nilinaw naman agad ng aktres na dagdag lamang ang mga ito sa relief goods na ipinamigay nila.
Gusto lang daw niyang mapasaya ang mga female frontliners na patuloy na nagbubuwis ng buhay sa paglaban sa COVID-19. “Wag po tayo nega agad,” sabi pa ni Ara.