HINDI umano dapat magpapigil ang ABS-CBN sa paglalahad nito ng mga nangyayari sa bansa kahit pa nakabinbin sa Kongreso ang provisional franchise at aplikasyon nito para sa renewal ng 25-taong prangkisa.
Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na malaya ang ABS-CBN sa pag-uulat nito.
Ginawa ni Rodriguez ang pahayag sa gitna ng mga agam-agam na kontrolin o pigilan ng Channel 2 ang mga ulat laban sa gobyerno para makakuha ng prangkisa.
“To me this is not a short leash. This is, at this time, the best we can get. Our objective here is to be able restore as soon as possible the ABS-CBN operations,” nai Rodriguez sa panayam sa telebisyon. “There should be no Damocles sword, there should be balanced news. As long as you do that, I don’t think you’d have a problem with Congress.”
Sinabi ni Rodriguez na sapat na ang limang buwang franchise extension na ibibigay ng panukala ni House Speaker Alan Peter Cayetano upang matapos ang 25-year franchise application ng ABS-CBN.
Ayon kay Cayetano kailangan ng maayos na pagdinig upang mailahad ang mga alegasyon laban sa ABS-CBN at masagot ito ng istasyon. Mula dito ay makapagdedesisyon umano ang Kamara kung tama na hayaang makapag-operate muli ang istasyon.
Isa si Rodriguez sa mga naghain ng panukala na i-renew ang ABS-CBN franchise.
Nang mag-expired ito, naghain si Rodriguez ng resolusyon upang magbigay ang Kongreso ng temporary franchise para makapagpatuloy ang operasyon ng istasyon.
Sa ngayon ay ipinapalabas ang ilang programa ng Channel 2 sa ANC at sa iba’t ibang online platforms.