DAHIL sa sobrang selos, tinapos ng 34-anyos na ginang ang tinatamasang kaligayahan ng kanyang mister nang putulin ang ari nito matapos makatulog sa loob ng pinasukan nilang hotel kahapon ng hatinggabi sa Pasay City.
Hubo’t hubad pa nang tumakbong palabas sa inokupahang silid ang biktimang si Rodolfo Del Rosario, 51, negosyante ng 1259 Bambang St., Tondo, Manila habang tinatakpan ng kapirasong tela ang dumudugo nitong harapan, at nagsisisigaw na humihingi ng tulong para madala siya sa pagamutan.
Pinayuhan naman ng room boy na si Nestor Daganato, 43, ang biktima na magsuot muna ng damit.
Tinangka namang habulin ng room boy ang misis ng biktima na si Radina Del Rosario, 34 na mabilis namang nakaalis sa motel sakay ng taxi.
Isinugod na lamang ng biktima ang sarili sa Pasay City General Hospital.
Lumabas sa pagsisiyasat nina SPO1 Genomar Geraldino at PO3 Rodolfo Suquina ng Investigation Division ng Pasay police na nag-check in sa Galaxy Hotel sa 2245 Taft Avenue ang mag-asawa dakong alas-11:50 ng gabi noong Linggo at inokupa ang room no. 3.
Dakong alas-12:20 ng madaling araw nang makita ni Daganato ang ginang na nagmamadaling lumabas ng silid at ilang sandali lang ay kasunod na ang biktima na humihingi ng tulong na madala siya sa pagamutan.
Napag-alaman na bago nangyari ang pamumutol, madalas mag-away ang mag-asawa dahil sa umano’y patuloy na pambababae ng biktima.
Lasing umano ang lalaki kaya’t hinintay muna ng ginang na makatulog ang mister bago isinagawa ang pamumutol sa ari nito.
Ayon naman sa mga manggagamot sa naturang ospital, hindi na maaari pang maibalik sa dati ang ari ng biktima dahil nawawala na ang kaputol nito at halos kakaunti na lamang ang natira.
Nang bumalik naman ang mga imbestigador sa inokupahang silid ng mag-asawa, malinis na ito at may iba nang customer na umookupa.