Hirap na ang auto industry

ILANG sunod-sunod na Zoom conferences ang sinalihan ko nitong nakaraang dalawang linggo mula sa mga auto companies at iisa ang tema ng mga pulong balitaan na ito, nahihirapan na ang auto industry.

Sa ngayon, ang estima ng Toyota at Lexus ay nasa 20 percent ang maaaring tamasaing pagbagsak ng industriya ng kotse para sa 2020, at ito ay konserbatibong bilang. Sa tingin nila ay maaari pa itong tumaas.

Maging ang Ayala automotive group ay naniniwala sa numerong ito dahil na rin sa hawak ng Toyota ang halos kalahati ng mercado, ito ay ang bilang ng mga kotseng ibinebenta sa Pilipinas.

Masakit para sa auto industry ang biglang pagdating ng Covid-19 pandemic dahil napakaganda ng outlook nila noong simula ng taon.

Sa totoo lang yung 20 percent ay ang tinitingnang growth rate o antas ng pag-angat ng CAMPI (Chamber of Automobile Manufacturers of the Philippines Inc.) imbes na pagkatalo nila sa taong ito.

Dahil dito nakapako ang futures ng industriya at dito rin nila nilatag ang base ng mga plano nila kung saan naghanda sila ng mas mataas na imbentaryo at gumastos ng malaki sa advertising at marketing.

Ngayon, tatlong buwan nang walang benta ng mga kotse at hindi pa sila sigurado kung ano ang hitsura ng merkado nila pag naalis na ang ECQ.

May ilaw namang nagniningning sa dulo nito. Ayon kay Tey Sornet ng Lica Group, pinakamalaking multi brand auto dealership sa bansa, malaki na rin ang nakukuha niyang reservation downpayments para sa ilang mga models ng kotse.

Sinabi ni Sornet na ang pinakamaraming order sa kanya ngayon ay yung mga maliliit na kotse na hindi lalampas sa P700,000 ang halaga.

Karamihan daw kasi ng bumibili ay mga magulang at asawa na natatakot pasakayin sa public transport ang kanilang mahal sa buhay sa takot na mahawa sa Covid-19. Mas nais nila ang safety at security ng private vehicle.

Ito marahil ang nakikita nating new normal sa pagbubukas ng quarantine, mga mas maliliit na pribadong sasakyan kapalit nang naglalakihang SUV.

Pero ang trapik? Medyo magsisikip pa rin ang tingin natin dahil mas dadami ang private vehicles na babalik sa lansangan.

Para sa komento o suhestiyon sumulat lamang sa ‪irie.panganiban@gmail.com‬ o sa ‪inquirerbandera2016@gmail.com‬.

Read more...