NITONG Miyerkules ay naghain si Speaker Alan Peter Cayetano, kasama ang ilang kaalyado nitong kongresista, ng House Bill No. 6732 na naglalayong bigyan ng bagong legislative franchise ang ABS-CBN hanggang October 31, 2020.
Kaagad namang inaktuhan ito ng Kamara at sa bihirang pagkakataon, ito ay nagtipon (convene) bilang Committee of the Whole. Ang ibig sabihin, imbes na ipadala ang nasabing panukalang batas sa Committee on Legislative Franchise upang dinggin ito, ang buong Kamara ang tumindig at duminig dito.
Matapos ang unamg pagbasa ng panukalang batas (first reading), pakinggan ang mga sponsorship speeches at basahin ang Committee Report, ito ay inapruban agad sa committee level.
Tinalakay naman agad din kahapon ng Kamara sa plenario ang panukalang batas. Dito nagkaroon ng pagkakataon magtanong ang ilang kongresista gaya ng di umano paglabag sa Constitution dahil sa citizenship requirement, higit na sa 50 na taon ang prangkisa ng ABS-CBN at iba pa. Nagkaroon din ng konting pagtatalo (debate) at mga susog (amendments) sa panukalang batas. Matapos ang mga tanungan, debate at amendments, ang panukalang batas ay inaprubahan ng Kamara sa pangalawang bagbasa (second reading).
Sa May 18, 2020, magtitipon ulit ang Kamara sa plenaryo para sa ikatlong pagbasa (third reading) upang pagbotohan kung ang House Bill No. 6732 (ABS-CBN franchise bill) ay aaprubahan o hindi.
Wala ng katanungan, debate o amendments na magaganap sa May 18, 2020 kung hindi botohan na lamang sa pag apruba o hindi ng panukalang batas (ABS-CBN franchise bill).
Kung sakaling aprubahan ng Kamara ang House Bill No. 6732 o yung ABS-CBN franchise bill, ito naman ay dadalhin agad sa Senado.
Gaya sa Kamara, ang ABS-CBN franchise bill ay dadaan sa first reading, second reading at third reading sa Senado. Nauna ng tiniyak ng liderato ng Senado na ang ABS-CBN franchise bill ay aaprubahan nila.
Kung sakali naman na magkaroon ng pagkakaiba doon sa inaprubaan ng Kamara sa Senado, ang mga representante ng dalawang lupon ay magtitipon sa isang Bicameral Conference Committee upang pag-usapan ang mga gusot at magkasundo.
Ipapadala naman agad ng Kongreso ang aprobado at pirmadong (enrolled bill) ABS-CBN franchise bill sa Pangulo upang pirmahan at maging ganap na batas.
Ang Pangulo ay may karapatan, ayon sa Constitution, na i-Veto ang enrolled bill na ABS-CBN franchise sa loob ng 30 days mula matanggap ito. Kapag ito ay ginawa ng Pangulo, hindi magiging ganap na batas ang ABS-CBN franchise bill. Ang ibig sabihin, hindi sangayon ang Pangulo na maisabatas ito sa dahilang ito ay hindi tama o labag ito sa Constitution.
Ibabalik ng Pangulo ang enrolled bill (ABS-CBN Franchise) sa House of Representatives na kalakip ang paliwanag kung bakit ito ay naVeto niya.
Ang Kongreso naman ay may karapatan mapawalang bisa (overide) ang veto ng Pangulo sa pamamagitan ng 2/3 na boto ng kalahatang miyembro nito. Sa kasaysayan ng politika sa Pilipinas, wala pang veto ng Pangulo ang napapawalang bisa (overide) ng Kongreso.
Kapag hindi naman pinirmahan o nag veto ang Pangulo sa aprobadong ABS-CBN franchise bill ng Kongreso sa loob ng tatlumpong (30) araw, ito ay automatic na magiging ganap na batas. Ganito ang nangyari ng hindi pinirmahan ng dating pangulong Cory Aquino ang batas na nagbabago ng pangalan ng Manila International Airport para ito ay tawaging Ninoy Aquino International Airport.
Kapag naging ganap na batas ang ABS-CBN franchise bill, ang ABS-CBN ay pwede ng kumuha ng lisensya o permit sa National Telecommunications Commission (NTC) para makapag operate at makabalik sa ere hanggang October 31, 2020.
Bago naman dumating ang October 31, 2020 magkakaroon ulit ng mga panukalang batas sa Kongreso para palawagin o bigyan muli ng bagong prangkisa ang ABS-CBN. Dadaan ulit ito sa parehong proseso na pinagdaanan nito ngayon.
———————————-
Ang pag-apruba ng Kamara sa first at second reading sa ABS-CBN franchise bill kahapon o sa loob ng isang araw ay hindi naaayon sa Article 6, Section 26 (No. 2) ng Constitution.
Maliwanag ang Constitution na ang lahat ng bill, gaya ng ABS-CBN franchise bill, ay dapat apruban sa first, second at third reading na magkakahiwalay na araw.
Ang tanging exemption lang dito ay kapag ito ay isang certified bill ng Pangulo gaya ng nangyari sa Bayanihan Law na isang certified bill kaya ito ay naaprubahan sa loob ng 1 araw.
Sa kaso ng Arturo Tolentino vs. Secretary of Finance (October 1995), sinabi ng Supreme Court na dahil ang panukalang batas (expanded value added tax) ay certified bill ng Pangulo, maaaring aprubahan ng Kongreso sa second at third reading sa loob ng isang araw ang panukalang batas. Makikita dito na ang first, second at third reading ay dapat maipasa sa iba’t ibang araw kung ito ay hindi certified bill ng Pangulo gaya ng ABS-CBN franchise bill.
Sana maagapan at maayos ng Kamara ito, para hindi masayang ang panahon at paasahin ang taumbayan.