Sharon sa ABS-CBN shutdown: We are not fighting the President

SHARON CUNETA

IPINAGDIINAN ni Megastar Sharon Cuneta na hindi si Pangulong Rodrigo Duterte ang nilalabanan nila sa pagtatanggol sa ABS-CBN.

Tuluy-tuloy pa rin ang ginagawang online protest ng mga Kapamilya stars matapos ipatigil ang operasyon ng ABS-CBN.

Isa na nga riyan si Sharon na talagang nag-alala at natatakot para sa 11,000 empleyado ng network na mawawalan ng trabaho.

Sa kanyang Instagram post, sinabi ni Mega na hindi nila hinahamon si President Duterte, ang nais lamang nila ay madinig ang kanilang boses para bawiin na ang cease-and-desist order ng National Telecommunications Commission laban sa ABS-CBN.

“Mga kaibigan at Kapamilya, gusto lang po namin linawin na we at ABS-CBN are not fighting the President. 

“We are fighting to withdraw the Cease and Desist order issued by the NTC. Galing din po sa Boss namin yan. Para lang po malinaw. Salamat po,” ani Shawie. 

Samantala, nagpasalamat din ang  Megastar sa lahat ng nanood sa kanyang Mother’s Day online benefit concert na “Love and Music Sharon.”

Nakalikom si Sharon ng mahigit P2 million donasyon para sa Pantawid ng Pag-ibig ng ABS-CBN foundation. 

* * *

Naglabas naman ng mensahe ng pasasalamat ang ABS-CBN para sa lahat ng sumusuporta sa ipinaglalaban ng network.

“Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa pagbuhos ng suporta na aming natanggap mula sa aming mga Kapamilya.

“Naniniwala kaming aaksyunan ng Kongreso ang naka-pending na franchise renewal application sa lalong madaling panahon. Nagpapasalamat din kami sa mga pamunuan ng Kongreso at Senado sa pagsisikap nilang magpatuloy ang operasyon ng network habang dinidinig ang mga panukalang batas para sa aming prangkisa. Sa panahon ng pandemic, higit na kailangan ang aming serbisyo.

 

“Nakakalungkot na sa kabila ng Senate Resolution No. 40, liham ng committee on legislative franchises ng House of Representatives, at ang pabor na legal opinion ng Department of Justice, naglabas pa rin ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) na agarang ipinahinto ang broadcast operations ng ABS-CBN.

 

“Sa kabila ng matinding pinagdadaanan ng network, nakakahugot kami ng lakas at inspirasyon mula sa kabutihan, suporta, at pagmamahal na ipinapakita sa amin ng publiko.  Maraming salamat po sa pagpapadama sa amin na mahalaga kami sa inyo. Bilang pagtugon, lalo pa naming patitibayin ang pangako na patuloy kaming maglilingkod sa inyo. Maraming salamat po, mga Kapamilya!”

Read more...