Coco humirit kay Harry Roque; POGO muling binanatan 

SINUPALPAL ni Coco Martin si Presidential Spokesperson Harry Roque matapos nitong ipagtanggol ang pagbabalik ng POGO sa bansa.

Ayon kay Coco, bakit daw parang minamadali ng pamahalaan ang pag-o-operate muli ng POGO sa Pilipinas habang atat na atat naman ang mga kinauukulan sa pagpapasara sa ABS-CBN.

Nag-post ang Kapamilya actor sa Instagram ng screenshot ng news item sa TV kung saan ibinalita nga ni Roque ang pagre-resume ng POGO operations sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Sabi po ni Presidential Spokesperson Harry Roque naniniwala daw po siya na nananaig pa rin ang demokrasya sa ating bansa at malayo daw na ikumpara ang POGO sa pagpapasarado ng ABS-CBN,” simulang pahayag ni Coco sa caption.

“Paano po hindi maikukumpara ang POGO sa pagpapasara ng ABS-CBN? Ang pagpapapasok niyo ng POGO dito sa ating bansa ay ang pagbibigay ng trabaho sa madaming dayuhang Chinese. 

“Ang pagpapasarado po ng ABS-CBN ay pagtatanggal ng trabaho sa maraming manggagawang Pilipino. 

“Tama naman ho kayo, magkaiba nga.. kasi ang dayuhang Chinese nabibigyan ng trabaho, samantalang kami pong kapwa niyo Pilipino tinanggalan niyo ng hanapbuhay. 

“Matanong ko lang po bakit minamadali natin ibalik ang Pogo samantalang ang pagsusugal ngayon sa kalye ay pinagbabawal?” aniya pa.

Samantala, sa isa pang IG post kahapon binati ni Coco ng “Happy Mother’s Day” ang kanyang lola, “Ikaw ang naghubog sa akin kung paano lumaban sa buhay, ang manindigan sa kung ano ang tingin kong tama. 

“Alam kong napakahirap ng pinasok ko, pwede naman akong manahimk na lang at magsawalang-kibo, pero napakasakit sa akin na makita kong naghihirap ang aking mga kasamahan sa trabaho habang ako ay kumportableng nabubuhay. 

“Kami ang magkakasama na naghihirap para magkaroon ng ipapalabas gabi-gabi, kahit kaakibat nito ang peligro na may maaring maaksidente sa bawat eksenang ginagawa namin para mapasaya ang mga tumatangkilik sa amin. 

“Kung minsan ay halos hindi na kami umuuwi ng aming mga bahay para makita ang aming pamilya. Sinusuong namin ang kahit anong kalamidad makapagbigay lang ng kaledad na palabas sa manunuod, at upang makapagbigay ng inspirasyon na lumaban sa kahit anong hamon ng buhay. 

“Hindi lang po basta trabaho ang ginagawa namin sa likod at harap ng camera, ito ang pagseserbisyo namin sa bayan at sa lahat ng Pilipino saan mang lupalop ng mundo!!!”

Read more...