PINAIIMBESTIGAHAN ng Philippine Navy ang naganap na pagliyab sa isa nitong barko sa India, ayon sa pinuno ng hukbo.
Magsasagawa ng sariling pagsisiyasat ang pamunuan ng BRP Ramon Alcaraz at pagkatapos ay magkakaroon ng “third party investigation” sa Maynila, sabi ni Navy chief Vice. Adm. Giovanni Carlo Bacordo.
“Hindi naman ‘yan just to find fault, [but also] so that this mistake will not be repeated,” sabi ni Bacordo sa mga reporter.
Ayon sa Navy chief, tagas ang unang nakikitang dahilan sa pagliyab sa main engine room ng Ramon Alcaraz.
“Parang may tumalsik na lube oil papunta sa hot portion of the main engine kaya nagliyab.”
Limang oras nang naglalayag ang barko noon kaya mainit na ang makina, aniya.
Napinsala ng apoy ang mga wiring, kaya habang bumabalik sa pantalan ng Cochin ang Ramon Alcaraz ay nagmistula itong kotse na di gumagana ang dashboard, ayon kay Bacordo.
Tinatayang 21 araw ang itatagal ng pagkumpuni sa mga napinsalang piyesa ng barko doon sa Cochin, sabi ng Navy chief sa hiwalay na panayam sa radyo.
“This could have been made shorter if not for the quarantine situation, if not for the lockdown, also in India.”
Kaugnay nito, pinangalanan na ng Navy ang mga tauhan nitong nasugatan sa insidente.
Ayon sa hukbo, nagtamo ng “superficial burn” si F2EN Alvin Aldecoa at kasalalukuyang nagpapagaling sa loob ng Ramon Alcaraz.
Inilipad naman si F2MR Joemari Bag-o sa Sanjivani Naval Hospital ng Indian Navy dahil sa second degree burns.
“He (Bag-o) is in stable condition, kaso nga lang ang burns niya is in the upper extremities, his back, and part of his face, so about 40 percent of his body was burned,” ani Bacordo.
Samantala, itinuloy naman ng BRP Davao del Sur ang paglalayag pabalik sa Maynila nang hindi kasama ang Ramon Alcaraz.
Sinimulan ng Davao del Sur ang paglalayag alas-2 ng hapon Sabado, dala ang 200,000 face mask na donasyon para sa laban ng Pilipinas sa COVID-19 at sakay ang 18 Pilipinong na-strand sa India dahil sa pandemic.
Sa mga naturang sibilyan, 15 ay turista at tatlo ay seaman, ani Bacordo.
Inaasahan na makakarating ang BRP Davao del Sur sa South Harbor, Manila, sa Mayo 23, aniya.
Ayon kay Bacordo, sasamantalahin na lang ng Navy ang pananatili ng Ramon Alcaraz sa India para hintaying gumaling ang mga sugatang tauhan nito, at ang pag-deliver doon ng 800,000 pang face mask na donasyon din para sa laban ng Pilipinas kontra COVID-19.