Botohan umano ng Metro Manila mayors peke

ITINANGGI ng Metropolitan Manila Development Authority ang kumakalat sa social media na nagkaroon umano ng botohan ang mga mayor sa Metro Manila kung ano ang gagawin matapos ang Mayo 15.

“Hindi po accurate iyon. Pinaiimbestigahan nga ni chairman kanino nagmula,” ani MMDA General Manager Jojo Garcia.

Ayon sa post nagbotohan umano ang mga mayor kung sino ang pabor sa pagpapatuloy sa Enhanced Community Quarantine at kung sino ang gusto na lumipat na sa General Community Quarantine.

Luma rin umano ang litrato ng MMC na kumalat sa social media dahil sila ay nagpulong online.

Ang malinaw ay tatlo ang rekomendasyon ipinadala ng Metro Manila Council sa Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na magsasagawa ng pagpupulong sa Lunes.

Sinabi ni Garcia na dapat ay iisang polisiya lamang ang ipatupad sa buong Metro Manila dahil magiging mahirap kung papaano babantayan ang mga boundary.

“100 percent nakahanda ang ating mayors. Wala pong tamang decision, walang perfect na decision, whatever decision na gagawin, may maaapektuhan po,” dagdag pa ni Garcia. “Sabi nga ni chairman (Danilo) Lim wag na tayo magpapa apekto sa mga distraction na yan. Ang importante, we are one and we will follow. Kung anuman ang guidelines na ilabas nila, handa tayo.”

Ang inaprubahan umano ng MMC ay ang tatlong rekomendasyon na ipinadala sa IATF: Ang pagpapatuloy ng ECQ ng 15 araw, ang pagpapatupad ng GCQ at ang pagpapatupad ng GCQ pero mananatiling naka-lockdown ang mga lugar na mataas ang bilang ng mga nahawa ng coronavirus disease 2019.

Read more...