NAGSASAGAWA ng masusing imbestigasyon ang Quezon City government sa mga anomalyang kinasasangkutan umano ng mga opisyal at empleyado ng barangay sa pamimigay ng P8,000 Social Amelioration Program.
Nakatanggap ng maraming reklamo ang city hall kaugnay ng iligal na pagkopya ng SAP form, hindi pagbibigay ng SAP form sa mga kuwalipikado, pamimigay ng SAP form sa hindi dapat bigyan, pagbawas o paniningil ng hindi pinapayagang ‘processing fee’, ‘membership dues’ at donasyon sa mga tatanggap ng tulong.
Maglalabas ang Quezon City Legal Department ng Show Cause Orders laban sa mga opisyal at empleyado ng barangay na inireklamo.
Bukod sa kasong administratibo ay maaari ring maharap sa kasong kriminal ang mga ito gaya ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Falsification, Fraud Against the Public Treasury, Malversation, at Robbery.
May mga kumakalat na video sa social media at isa rito ang misis umano ng barangay kagawad na nangongolekta ng P500 donasyon para sa Old Balara Ladies Brigade sa mga nakatanggap ng SAP emergency subsidy.