Grace Poe sang-ayon sa ipinaglalaban ni Coco para sa mga Pinoy 

SA Facebook page ni Sen. Grace Poe ay nabasa namin ang kanyang

reaksyon sa desisyon ng National Telecommunications Commission na ipatigil ang operasyon ng ABS-CBN.

   Si Sen. Grace ang Chair on Public Services Committee kaya siya ang nanguna sa ginanap na hearing ng Senado tungkol sa prangkisa ng ABS-CBN bago pa man nagkaroon ng lockdown sa bansa.

    “Umaasa tayong kikilos nang nararapat ang kapwa natin mambabatas sa Mababang Kapulungan at Senado. Higit kailanman, ngayon ang panahon upang gampanan ang aming  mandato sa ilalim ng Konstitusyon para protektahan ang kalayaan ng pamamahayag at tiyaking patas ang lahat ng mga pagdinig. 

“Ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan ay inaasahan ding magiging tapat sa kani-kanilang tungkulin,” mensahe ng senadora.

    Gaya ng sinabi ni Coco, inihayag din niya ang pagkilala niya sa tulong na ginagawa ng Kapamilya network sa mga Pilipino.

    “Sa panahong ito ng pandemya, patuloy na nagsisikap na maglingkod ang network sa taumbayan, hindi lamang sa pamamagitan ng impormasyon kundi pati na rin sa patuloy na pagbibigay ng hanapbuhay sa mga manggagawa,” aniya.

   Para kay Sen. Grace, ang  pangyayaring ito ay nag-uudyok ng  maraming katanungang kailangang sagutin ng mga kinauukulan.

    “Ito ba ay patas na desisyon ayon sa panawagan at titik ng batas? Ito ba ay hindi tirada lamang sa pamamahayag at mga manggagawa nito? Ito ba ay akma samantalang inilalagay ng media sa peligro ang kanilang kaligtasan para maglingkod sa panahong ito ng krisis? Ang pamahalaan ba ay handa ring sumagot sa kapakanan ng mga mawawalan ng hanapbuhay sa kanilang hanay sa gitna ng krisis na ito?

     “Hiling natin ang pagkakabuklod-buklod at pagtutulungan ng lahat upang malampasan ang krisis na ito,” sabi pa ng senadora.

   Ngayong araw ay isa si Sen. Grace sa mga dakilang ina na ipinagbubunyi ng kanilang mga anak. Pero ang unico hijo niyang si Brian Poe-Llamanzares ay nauna nang nagregalo sa kanya.

    Ipinost  ni Sen. Grace sa kanyang social media accounts ang pictures ni Brian with Pasig City Mayor Vico Sotto kung saan nagdala siya ng tulong para sa mga Pasigueño.

   “Nagpunta ngayong araw ang anak kong si Brian sa Pasig upang ipaabot ang ating tulong na bigas at test kits na tinanggap ni Mayor Vico Sotto at Cong. Roman Romulo,” caption ni Sen. Grace.

   

Read more...