HALOS magmakaawa na si Kim Chiu sa mga kinauukulan para maibalik na ang operasyon ng ABS-CBN sa free TV.
Yan ang paniniwala ng mga netizens matapos mapanood ang pagharap ng dalaga sa “Laban Kapamilya,” ang Facebook Live chat na pinangunahan ng ilang malalaking artista ng Dos matapos ipasara ang kanilang mother network.
Ayon kay Kim, napakalaki ng nagawa ng ABS-CBN sa kanyang buhay at forever niya itong tatanawing utang na loob sa istasyon.
Nang dahil sa pagsali at pagiging Big Winner sa Pinoy Big Brother, nabigyan niya ng magandang buhay ang kanyang pamilya at napag-aral pa ang mga kapatid hanggang sa college.
Kaya naman sinabi niya na ipaglalaban niya ang ABS-CBN sa abot ng kanyang makakaya kahit alam niyang maba-bash siya nang todo sa social media.
“Ito lang ang kaya kong isukli sa kanila, sa panahon ngayon,” pahayag ng aktres.
Pagpapatuloy pa niya habang naiiyak, “Bakit niyo tatanggalan ng pangarap at pag-asa ang isang tao?”
“Bakit n’yo tatanggalan ang tao na, ‘Gusto kong sumali sa ganito dahil kapag nanalo ako ay maipagamot ko iyong lola ko.’
“Iyong saya ng bawat Pilipino, kahit maliit lang, pinagkaitan niyo sila ng saya sa panahon na ito,” aniya pa.
Inisa-isa rin ni Kim ang mga programa at contest sa ABS-CBN na nagiging daan para matupad ng mga Pinoy ang kanilang mga pangarap sa buhay.
“Nangarap lang ako na gusto ko balang araw ay makita ko ang sarili ko sa telebisyon, na gusto ko lang balang araw ay maiahon ko iyong pamilya ko sa hirap.
“So nilagyan ko ng pangarap iyong sarili ko, na dahil sa istasyon na iyon ay posibleng matutulungan ko ang pamilya ko, may posibilidad na makakaalis kami sa maliit na kuwarto, na maiahon ko sila,” lahad pa ng girlfriend ni Xian Lim.
“Kung nagawa ko, magagawa din iyon ng ibang tao, sa tulong ng ABS-CBN,” dagdag pa ng dalaga.
Bukod kay Kim, nagbigay din ng mensahe sina Coco Martin at Judy Ann Santos sa cease and desist order ng National Telecommunications Commission para sa ABS-CBN shutdown sa “Laban Kapamilya” Facebook Live chat.
Pahabol pang mensahe ni Kim, “Sa NTC, dumudulog kami sa inyo na sana bawiin ninyo na iyong cease and desist order. Sana hayaan niyo na kaming mamahayag, at sana ibalik ninyo na ang ABS-CBN.”