Nagliyab na PH Navy ship bumalik sa India

BUMALIK sa Cochin, India, ang barko ng Philippine Navy na nagliyab habang naglalayag pauwi noong Huwebes, sabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Ayon kay Lorenzana, “minor” lang ang pinsalang naidulot ng apoy sa BRP Ramon Alcaraz kaya nagawa pa nitong umusad pabalik ng Cochin.

“The ship was able to sail into port under its own power and unassisted,” sabi ng kalihim sa isang kalatas.

Nilulunasan naman aniya sa isang pagamutan sa India ang isa sa dalawang tauhan ng Navy na nasugatan sa sunog.

Ang ikalawa’y nananatili naman sa “sickbay” ng barko.

Ayon kay Lorenzana, dahil sa Estados Unidos binili ang Ramon Alcaraz ay tutulong ang naturang bansa sa pagkumpuni sa barko.

“The US Navy’s Naval Systems Command (NAVSEA) will assist in the conduct of its repairs.”

“We will also use existing diplomatic mechanisms and our defense cooperation agreement with India to facilitate and expedite work on the ship so that it can return to the country in the shortest time possible,” ani Lorenzana.

Napag-alaman sa Philippine Navy na nagliyab ang main engine room ng Ramon Alcaraz matapos ang mahigit limang oras na paglalayag mula sa pantalan ng Cochin.

Kasama noon ng Ramon Alcaraz ang BRP Davao del Sur, na sinabayan nito sa paghakot ng 200,000 face mask na donasyon ng isang pribadong indibidwal para sa laban ng Pilipinas kontra COVID-19.

Sinundo din ng mga barko ang 18 turistang Pilipino na na-strand sa India dahil sa pandemic.

Tinanong ng Bandera ang Department of National Defense at Navy kung tuloy pa ang pag-uwi ng Davao del Sur sa kabila ng nangyari sa Ramon Alcaraz, ngunit wala pang tugon habang isinusulat ang istoryang ito.

Sa Davao del Sur nakasakay ang mga pauwing turista at doon din naka-karga ang mga face mask.

Bago ito, ipinadala ang Ramon Alcaraz at Davao del Sur sa Oman noong Enero para sumundo sa mga overseas Filipino workers na maaaring nais umuwi dahil sa gulo sa Gitnang Silangan.

Nanatili ang dalawang barko sa Oman simula Pebrero, bago naatasang magtungo sa India ilang linggo lang ang nakaraan.

Read more...