PATAAS nang pataas ang temperatura at talagang halos malitson ka na sa sobrang init ng panahon.
Dahil diyan, hindi rin maiwasan na makaranas tayo ng sobrang pagpapawis o pagkahilo dahil sa tindi ng init. Kaya naman kailangang maging maingat at maagap tayo lalo na kung di natin siguro kung heatstroke na ang nararanasan natin.
Narito ang ilang first aid tips na dapat mong malaman at gawin kapag may taong tinamaan ng heat stroke.
1. Dalhin agad sa malamig na lugar ang pasyente at kung maaari ay hubaran ng damit na nakasasagabal sa kanyang paghinga para bumaba ang temperatura ng kanyang katawan. Maaaring sa ilalim ng puno o kung saan may lilim ito dalhin kung nasa labas o kung nasa bahay, mainam na itapat ito sa harap ng electric fan o aircon.
2. Ihiga ang pasyente upang mapaganda ang daloy ng dugo sa kanyang utak.
3. Kumuha ng basang tuwalya at ipunas ito sa katawan ng pasyente.
4. Lagyan ng ice packs ang kilikili, pulso, singit, leeg at likod ng pasyente para mapababa ang temperatura ng katawan nito dahil ang mga lugar na ito ay may mataas na konsentrasyon ng blood vessels.
5. Kung gising o may malay ang pasyente, puwedeng painumin ito ng tubig.