Banat ni Coco sa gobyerno: Buti pa ‘yung POGO ipinaglalaban n’yo! 

COCO MARTIN

BINANATAN ni Coco Martin ang pamahalaan nang muli nitong ipagtanggol ang ABS-CBN matapos ipasara ng National Telecommunications Commission.

Matapang na bumuwelta ang aktor sa mga kinauukulan at patuloy na kinukuwestiyon ang pagpapatigil sa operasyon ng Kapamilya Network. 

Sa Facebook Live session nitong Biyernes ng gabi nagsama-sama ang mga Kapamilya stars para ilabas ang kanilang saloobin tungkol sa issue. Dito muling bumanat ang bida ng FPJ’s Ang Probinsyano.

Aniya, walang nag-utos sa kanila para magsalita at harapang ipaglaban ang kanilang karapatan, “Kami pong mga artista, nagtulong-tulong, nagbuklod-buklod kasi gusto naming mailabas kung ano ‘yung nararamdaman namin.”

Galit na galit ang aktor habang iniisa-isa ang kanyang mga punto kung bakit hindi dapat ipasara ang kanilang istasyon, “Hindi ko maipaliwanag at hindi ko rin alam kung paano ako magsisimula dahil sobra ‘yung galit na nararamdaman ko.” 

Pagpapatuloy pa ni Coco, “Ang sinasabi ko lang po, noong nagkaroon ng COVID-19, ang ABS-CBN ang isa sa mga nanguna para tumulong sa ating bansa. 

“Kaming mga artista, walang nagsabi sa amin, walang nagpilit, kahit maging buhay na namin ang kapalit. Kung manonood kayo sa balita, halos lahat ng artista nasa labas. 

“May mga artistang kumikilos kahit hindi ninyo nakikita sa TV o sa social media. Bakit? Kasi po ito na ‘yung pagkakataon namin para kami ang tumulong. 

“Kasi po ‘yung mga hindi nagagawa ng iba, kami na po ang gagawa. Kasi nakakahiya naman po sa inyo.

“Sa gitna ng pandemya, sa gitna ng nangyayari sa ating bansa, nauna niyo pang isipin ipasara ang ABS-CBN kesa tugunan ang pangangailangan ng ating bansa?

“Kami pong mga artista, ang ABS-CBN, kami po ang isa sa pinakamalaking nagbabayad ng buwis sa ating bansa. 

“Kami po, may binabayaran po kaming tax taon-taon. May binabayaran po kaming VAT every month. 

“Napakalaki ng naitutulong namin, bukod sa ibinabayad naming tax. May serbisyo kaming ibinibigay sa mga tao. Pumupunta kami sa ibang bansa para kamustahin ang mga OFWs.

“Bakit dumating ang pagkakataong kami ang naisip ninyong tanggalin? Sa panahon ngayon kung saan ang ABS-CBN at ang mga artista ang isa sa mga tumutulong sa mga tao ngayon? Ano pong malaking problema doon?

“Sa lahat ng mga taong naninira sa amin, hindi kayo pwedeng labanan o kausapin nang mahinahon. Ngayon, kakausapin ko kayo sa sarili ninyong lengguwahe. Pasensiya na po kayo, galit na galit ako. Galit na galit ako,” pahayag pa ng aktor.

Nabanggit pa niya ang tungkol sa pagpayag ng gobyerno na payagan ang POGO o Philippine Offshore Gaming Operators na bumalik sa operasyon samantalang ang ABS-CBN na maraming napapasaya at natutulungan ay ipinasara.

“Ano po bang uunahin natin ngayon? Tanggalin ang kumpanya na tumutulong sa ating kapwa, sa lahat ng mga Pilipino? O ‘yung sugal na ipinapasok sa ating bansa? 

“Buti pa ‘yung POGO ipinaglalaban ninyo. Itong kumpanyang tumutulong sa lahat ng mga tao ngayon, ipinasara ninyo. Ano ‘yun?

“Tapos ‘yung mga tao, tuwang-tuwa? Tuwang-tuwa kayo na nawalan ng trabaho ang 11,000 na tao. O ngayon, kaming 11,000 na tao, anong mangyayari sa amin ngayon?” litanya ni Coco.

At dahil sa biglaang pagpapasara ng National Telecommunications Commission sa Kapamilya network ay ibinalita ni Presidential Spokesperson Harry Roque na bibigyan din ng tulong pinansiyal ang mga empleyadong nawalan ng trabaho sa ABS-CBN.

Sabi ni Coco, “Anong sabi ni Harry Roque? ‘O, pumila kayo sa DOLE. Huwag kayong mag-alala, bibigyan namin kayo ng ayuda. E, kung ang buong Pilipinas nga hindi ninyo ma-suplayan e, pati kami makikidagdag? Ano pong gagawin namin ngayon?”

Read more...