“PANGKABUHAYAN showcase” ang ipinangako ni Coco Martin sa isang lalaking ipina-tattoo sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang mga programa ng ABS-CBN.
Sa ulo ng nasabing avid supporter ng Kapamilya Network, kanyang ipina-tattoo ang titulo ng teleserye ni Coco na FPJ’s Ang Probinsyano.
Apektado ang male viewer sa biglaang pagsasara ng ABS-CBN kaya naman para maipakita ang pagsuporta niya sa network isa-isa niyang ipinalagay sa kanyang katawan ang mga pinanonood na programa sa Dos.
Sa Instagram, ipinost ni Coco ang litrato ng lalaki at saka ipinaabot ang kanyang pasasalamat at pagsaludo sa pagmamahal nito sa ABS-CBN.
“Tay! Maraming, maraming salamat po sa pagsuporta niyo, sobra po namin kailangan ‘yan sa ngayon!
“Pangako kagaya ng ginagawa ng mga kasamahan kong artista at ng aming kumpanya ang pagtulong namin sa mga nangailangan.
“Pag nakabalik kami pinapangako ko sa’yo, bibigyan kita ng pangkabuhayan ng pamilya mo mag tayo ka ng tindahan dyan sa lugar niyo kami na po ang tutulong sa inyo. Wala na tayong ibang aasahan kundi tayo ang magtutulungan,” ang caption ng Teleserye King sa kanyang IG post.
Matapang na ipinahahayag ngayon ni Coco ang kanyang sama ng loob sa pagpapatigil sa operasyon ng kanyang mother network. Pati ang mga bashers at trolls ay talagang pinapatulan na niya ngayon.
Samantala, isa pang tagahanga ang pinangakuan ng tulong ni Coco matapos malaman ang ginawa nitong pagsuporta sa Dos matapos nga ang pamamaalam nito sa ere noong Lunes ng gabi.
Mensahe sa kanya ng aktor, “MARAMING SALAMAT TOL SA IYONG SUPORTA!!! PAG BALIK NAMIN PAPALITAN KO YANG TV MO NG MASMALAKI PANGAKO KO SAYO YAN!!!
“PATI MOTOR BIBIGYAN KITA PAGBALIK NA PAGBALIK NAMIN!!! MARAMING MARAMING SALAMAT SA LAHAT NG TAONG SUMOSUPORTA AT NAKIKIRAMAY SA AMIN HINDI HINDI NAMIN KAYO MAKAKALIMUTAN!!!”
Sa ngayon, mapapanood pa rin ang ginagawang pagseserbisyo sa madlang pipol ng ABS-CBN sa pamamagitan ng kanilang digital platforms na hindi na saklaw ng nag-expire nilang prangkisa.