Ex-PBA player na-hurt sa paratang ni Vico: No work, no pay din ako

DUMEPENSA ang dating PBA player na si Roger Yap sa mga akusasyon laban sa kanya ni Pasig City Mayor Vico Sotto.

Hindi man binanggit ang pangalan ni Roger, marami ang nagsabing ang  “former PBA player” na tinutukoy ni Vico na umano’y nambastos at nagmura sa isa nilang relief operations personell sa Greenpark Subdivision.

Ayon sa dating player ng Purefoods at San Miguel Beer walang nangyaring ganu’n. Kung nagmura raw siya siguradong dadamputin at huhulihin siya roving security doon.

Sa panayam ng GMA kay Yap, itinanggi nitong minura niya ang isang staff ng Pasig City na namimigay ng relief packs at ibang kuwento na raw ang nakarating kay Vico. Hinding-hindi niya raw magagawa ang ganu’n.

“Ang problema lang kasi dinagdagan ‘yung kuwento. Ang dumating kay Mayor, nagmumura daw ako, nagwawala daw ako diyan,” paliwanag ng basketball player.

Ang sinabi raw niya sa taong nagpunta sa kanila, dapat daw pagkain na ang ibinibigay sa mga residente kesa mga food coupons.

“Kasi kaya n’yo naman gumawa ng bahay-bahay nu’ng Christmas at saka itong PNP, bakit ngayon sa halagang 300 hindi n’yo makaya?” aniya na ang tinutukoy ay ang paraan ng pamamahagi ng ayuda.

Aniya pa, nakapag-usap na sila ni Vico tungkol dito, “Ok naman. Humingi rin naman siya ng pasensya sa akin. Pero siyempre sa side ko, parang tapos na. Ang damage, nangyari na.”

Samantala, nakiusap naman siya sa mga netizens na tigilan na ang panghaharas sa kanya. Grabe na raw kasi ang pambu-bully sa kanya  ng mga bashers dahil sa issue.

“Sana ‘yung lahat ng mga humuhusga sa akin, sana tigilan n’yo na lang, ‘wag n’yo na ako i-bash.

“Kasi sa akin naman, para naman sa lahat, hindi naman ‘yun para sa akin lang,” aniya pa.

Sa isa pang panayam, sinabi rin ni Roger na hindi rin naman sila mayaman tulad ng paniniwala ni Vico. 

“Naiiyak nga ako sa totoo lang. Tatlong beses na akong umiyak ngayon araw na ito, wala masyadong tulog dahil sa nangyari.

“Hindi ako mayaman. No work, no pay din ako. Kailangan kong maglaro ng basketball para magkapera. Retired na kasi kami so naglalaro na lang kami sa exhibitions para kumita,” pahayag pa ng dating PBA player sa nasabing panayam.

Read more...