HINDI umano totoo ang kumakalat sa social media na magkakaroon ng equinox phenomenon ngayong buwan.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration walang katotohanan na magkakaroon ng equinox sa susunod na limang araw.
“…. sapagkat tapos na ang spring equinox noong 20 Marso. Ang autumnal equinox naman ay mangyayari sa 23 Setyembre,” saad ng PAGASA.
Sa kumakalat na post, nagbabala ito na iwasan ang paglabas mula 12 ng tanghali hanggang 3 ng hapon dahil aakyat umano ang temperatura ng 40 degrees Celsius na maaaring magdulot ng dehydration at sun stroke.
“Naaapektuhan ang haba ng araw at gabi sa Pilipinas (ng equinox) pero hindi ang temperature dahil malapit tayo sa equator,” saad ng PAGASA.
Ayon sa PAGASA ang equinox ay nangyayari kapag ang sentro ng araw ay nasa itaas ng equator ng mundo. Kaakibat ng equinox ang pantay na haba ng araw at gabi.
Ang spring equinox ay hudyat ng pagpapalit ng panahon mula taglamig patungong tagsibol at ang autumn equinox naman, tag-init patungong taglagas.
Ang equinox ay nangyayari dalawang beses kada taon, Marso 21 ang spring equinox sa Northern Hemisphere at Setyembre 23 ang Autumnal equinox.