Vico Sotto na-bad trip sa ex-PBA player: Minura-mura yung team leader natin

NA-BAD trip si Pasig City Mayor Vico Sotto sa isang dating player ng PBA na nambastos umano sa ilan nilang frontliners.

Galit na galit ang alkalde sa nasabing basketball player nang nalaman ang ginawa nito sa kanilang relief operation officers na wala ring tigil sa pagtatrabaho mula pa noong magsimula ang lockdown.

Sa kanyang Facebook Live kahapon, sinabi ni Vico na gustung-gusto na niyang pangalanan ang nasabing player pero nagpipigil pa rin siya.

Aniya, taga-Green Park subdivision sa Pasig ang ex-PBA player na nanglait sa natanggap nitong relief pack.

“Eto may isang instance, taga-Green Park, siguro naliitan du’n sa ano. Alam ko naman may kaya yung tao na yun, dating PBA player.

“Kakampi pa man din ng bayaw ko dati, kakampi ni Kuya Marc dati, minura-mura yung team leader natin. Bakit ganu’n lang daw pinamimigay,” ani Vico na ang tinutukoy na bayaw ay ang basketball player ding si Marc Pingris na asawa ng kapatid niya sa ama na si Danica Sotto.

Patuloy pa ng mayor, “E, kung naliliitan siya dun sa pinamigay ng city, ibig sabihin hindi niya kailangan yun. Alam ko naman magkano suweldo niya dati. Hindi naman siya mahirap.

“Iilan lang naman ang dating PBA player sa Green Park, alam mo na kung sino sinasabi ko,” aniya pa.

Sa huling bahagi ng FB Live, muling naglabas ng sentimyento ang anak ni Bossing Vic Sotto, “Alam kong may pera naman, ilan ang sasakyan, maganda ang bahay.

“Tapos magbibigay yung team namin ng ayuda, dahil yung homeowners naman ang nag-request na pumasok kami du’n, tapos mumurahin yung team leaders natin.

“Yung sense of entitlement ng mga tao grabe talaga!”

“Yung mga frontliners natin na nagpapagod over and beyond the call of duty, tapos mumura-murahin ng taong yun.

“Nagpipigil lang ako, gusto ko banggitin pangalan niya, e. Alam ni Kuya Marc kung sino yun. Kayo na lang mag-usap. Siya na bahala sa ‘yo. Idol ko pa naman yun dati.

“Kung may reklamo kayo, puwede naman sabihin sa maayos na paraan, e. Di niyo kailangan magalit sa kanila,” aniya pa.

Read more...