NATUPAD na ang wish ng mga fans nina Angelica Panganiban at JM de Guzman na muli silang magsama sa isang proyekto.
Hot topic na nga ngayon sa social media ang reunion project ng dalawang Kapamilya stars na unang nagsama at nagpakilig sa blockbuster hugot movie na “That Thing Called Tadhana”.
Balitang makakasama rin dito nina Angelica at JM ang magdyowang sina Jake Cuenca at Kylie Versoza, Arjo Atayde at Sue Ramirez.
Isang teaser na ang bumandera sa madlang pipol tungkol dito at mukhang ito na mga ang napabalitang pinakabagong proyekto ng iWant, ang “Love Lockdown.”
Sa litratong inilabas ng Dreamscape Entertainment, makikitang magka-video chat ang mga nabanggit na Kapamilya stars at may caption na “Zoom meeting in progress.”
Habang marami ang naghuhulaan kung pelikula o teleserye ba ang proyekto, mas malaking tanong naman para sa iba kung paano nila ito kukunan sa kabila ng quarantine.
Naintriga rin ang iba kung may kinalaman ba ang titulong “Love Lockdown” sa kasalukuyang enhanced community quarantine na ipinapatupad sa ilang bahagi ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Ang “Love Lockdown” ang reunion project ng “That Thing Called Tadhana” lead stars na sina Angelica at JM, “Los Bastardos” co-stars at real-life partners na sina Jake at Kylie, at tambalang Arjo at Sue o ArSue mula sa teleseryeng “Hanggang Saan.”
Kaya naman ngayon pa lang ay excited na ang supporters ng tatlong tandem na mapanood ang bago nilang paandar.
Samantala, ilang netizens naman ang nagkomento na sana’y sina Angelica at JM na lang ang maging magdyowa dahil bagay na bagay daw ang dalawa.
“Hindi pinagtagpo pero itinadhana! Sana nga sila na lang ang maging magdyowa tutal single naman yata sila pareho ngayon. Im sure magkakasundo sila dahil pareho sila ng mga pinagdaanan when it comes to lovelife! #RoadToForever!” comment ng isang fan nina JM at Angel.