Emergency subsidy bakit natagalan, iimbestigahan sa Kamara

SAP

IPINAMAMADALI ng Kamara de Representantes ang pamimigay ng emergency subsidy sa mga mahihirap sa ilalim ng Social Amelioration Program.

Ayon kay AnaKalusugan Rep. Mike Defensor noon pang Marso 23 inaprubahan ng Kongreso ang pagbibigay ng P5,000 hanggang P8,000 sa mga mahihirap na pamilya pero hanggang ngayon ay hindi pa ito tapos ipamigay.

 “Marami pong nagrereklamo, hindi sila nakatanggap ng tulong, marami pong nagrereklamo na kulang ang tulong, marami pa rin po ang nakapila at naghihintay ng suporta Mr. Speaker,” ani Defensor sa plenaryo ng sesyon kanina.

Nais ni Defensor, chairman ng House committee on public accounts, na magsagawa ng imbestigasyon ang Kamara upang malaman kung ano ang mga remedyo na kailangang gawin para mapabilis ang pagbibigay ng ayuda.

“Habang nandito tayo may panahon at mayroon pang nalalabing araw doon sa ECQ, sa GCQ Mr. Speaker, siguro kailangang gawin ang tamang batas at polisiya na kapag nangyari uli mabigyan ng suporta ang ating mga kababayan, iyung pondo umabot sa kanila, iyung pondo umabot sa bayan. Mr, Speaker ginawa ng Pangulo ang kanyang trabaho, pero mukhang nagkaroon ng problema sa implementasyon sa mga ahensya ng gobyerno, thank you Mr. Speaker,” dagdag pa ni Defensor.

Nagpasalamat naman si House Majority Leader Martin Romualdez kay Speaker Alan Peter Cayetano sa pagtitiwala nito na pamunuan niya ang mga pagdinig na isinagawa ng Defeat COVID-19 Committee habang nakabakasyon ang Kongreso.

“Mr. Speaker, as co-chair of the Defeat COVID-19 Ad Hoc Committee, we would like to thank the Speaker for the trust and confidence na ibinigay niya sa akin simula nang ma-formed ang DCC,” ani Romualdez.

“Sana magkaisa po tayo. Itong inefficiencies po na talaga ay sobra-sobra na. Hindi na kaya ng ating mga kababayan kaya po we will still perform the mandate that the Speaker has given us at DCC. We thank you for his direction and support and advices, lahat po ng 300 plus congressmen nagpa-participate araw-araw, hindi lamang sa viber thread, hindi lamang sa Zoom, pero nagtatawagan talaga tayo sa isat-isa para sa ating mga kababayan.”

Read more...