PARA mabantayan ang mga dayuhan na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators dapat ay ituloy umano ang planong Gaming Employment License ID (GEL ID) na ibibigay sa mga ito.
Ayon kay House committee on ways and means at Albay Rep. Joey Salceda mahalaga na matukoy ang mga lehitimong POGO at mahuli ang mga iligal ang operasyon na hindi nagbabayad ng buwis.
“PAGCOR [should] issue a GEL ID to each POGO employee,” ani Salceda, co-chairman ng Economic Stimulus Cluster of the Defeat COVID-19 Committee.
Sinabi ni Salceda na mayroong mga kondisyon para makakuha ng GEL ID ang isang dayuhang empleyado ng POGO.
Kailangan ay maroon itong TIN number para matiyak na magbabayad ng buwis at work permit mula sa Bureau of Immigration and Deportation.
Dapat ay sumailalim din ito sa Cultural Seminar kung saan sila tuturuan ng tamang asal habang nasa bansa.
“Hindi yun bastos sila,” ani Salceda.
Kailangan din umano na mayroong clearance ang isang POGO worker na ito ay COVID-19 free.
Pinayagan ng Inter Agency Task Force for COVID-19 ang partial operation ng POGO upang makakolekta ng buwis para mapondohan ang mga programa ng gobyerno laban sa virus.
Dahil sa mga kinasasangkutang krimen ng mga Chinese lumakas ang panawagan na bantayan ang mga ito.
Ayon kay Ang Probinsyano Rep. Ronnie Ong, vice-chair ng House Committee on Games and Amusements, noong Enero pa dapat sisimulan ng Philippine Amusement and Gaming Corp., ang GEL ID.