NAGBIGAY-PUGAY ang P-Pop group na SB19 sa lahat ng bayaning frontliners sa pamamagitan ng bago nilang kanta — ang “Ikako”.
Dito, ibinandera nina Ken, Josh, Stell, Justin at Sejun ang katapangan at ang matinding hirap at sakripisyo ng bawat medical professional, healthcare workers at iba pang Pinoy na nagbubuwis ng buhay sa paglaban sa COVID-19.
Kanina, nag-perform nang live ang SB19 sa Unang Hirit at kinanta nga nila ang “Ikako.” Pero bago ito, hiningan muna ang mga bawat miyembro ng grupo ng mensahe para sa mga frontliners.
“Sa lahat po ng frontliners thank you so much for your braveness. Thank you dahil ni-risk n’yo ‘yung lives n’yo para sa ibang tao.
“And kahit pa minsan n’yo lang makikita ‘yung family n’yo, nandiyan pa rin kayo para sa health ng ibang tao. I pray na God will protect all of you,” pahayag ni Ken.
Ayon naman kay Josh, “Thank you sa lahat ng frontliners. Ang dami nilang sina-sacrifice, ‘yung buhay nila naka-risk araw-araw.
“Mayroon po ako na mga kilala na hangga’t maaari po, tina-try kong tumulong din,” dagdag pa ng binata.
Isa rin palang frontliner ang tito ni Stell kaya proud na proud siya rito, “Gusto kong magpasalamat sa kanilang lahat and gagawin ko na itong way para pasalamat din ‘yung tito ko, kasi frontliner siya sa Bulacan.
“Ang dami po nilang ginagawa para sa mga ka-barangay nila. Sobrang proud po ako sa tito ko. Lagi po siyang mag-iingat.
“Lahat po ng frontliners sa mundo, mag-ingat po kayo. Maraming-maraming salamat po sa inyo,” lahad pa niya.
Samantala, ibinahagi naman ni Sejun kung paano nabuo ang kantang “Ikako” na siya rin ang nag-compose.
“This song is titled ‘Ikako.’ Kaya siya ‘ikako’ firstly, pinagsama ko ‘yung ikaw at ako at the same time, ‘yung sinasabi ng mga matatanda na ikako.
“Ang message ng song na ito is ‘yung pagmamahal natin sa kapwa. Ibig naming ipahiwatig na kapag may pagmamahal tayo sa kapwa natin, mareresolba natin lahat ng problema natin,” kuwento pa ni Sejun.