Sa relasyong live-in dapat “hati-hati tayo”

KUNG ang mga legal na mag-asawa ay may prinsipyong “ang akin ay sa’yo at ang sa’yo ay akin” o kaya “ang akin ay akin”, papaano naman yung mga lalaki’t babae na nagsasama o naglilive-in bilang mag-asawa pero hindi kasal o ayaw magpakasal?

Sa ating mga nakaraang column, sinabi natin na ang mag-asawang kinasal mula August 3, 1988 (effectivity of Family Code) ay sakop ng regime of absolute community of property. Ibig sabihin lahat ng pagmamay-ari ng mag-asawa bago ikasal at sa mga darating na panahon habang sila ay mag-asawa ay pagmamay-ari na nilang dalawa.

Sa ilalim ng regime of absolute community of property, “ang akin ay sa’yo, ang sa’yo ay akin” ang gagabay sa mag-asawa.

Kung mayroon namang prenuptial agreement ang mag-asawa bago ikasal at pinili nila na mapasailalim sa regime of complete separation of property, ang lahat ng ari-arian ng mag-asawa, bago at matapos ikasal, ay mananatiling pag-aari ng bawat indibidwal sa kanila.

Sa ilalim ng regime of complete separation of property “ang akin ay akin” naman ang siyang gagabay sa mag-asawa.

Papaano kung ang lalaki’t babae ay naglilive-in o nagsama bilang mag-asawa o parang mag-asawa pero sila ay hindi kasal o ayaw magpakasal, may “say” o karapatan ba sila sa isa’t isa doon sa suweldo o ari-arian ng kanilang kalive-in partner.

Itinakda ng Family Code (Article 147) na kapag ang lalaki’t babae ay naglive-in o nagsasama bilang mag-asawa pero hindi nagpakasal, ang kanilang mga suweldo o kita ay pag-aari nila na pantay na pagbabahagi (equal share).

Ang ibig sabihin, hati sila (co-owner) sa suweldo o kita ng kanilang kalive-in partner. Ang iiral at gagabay sa kanila ay “hati-hati tayo”.

Ito ay totoo rin sa mga property na nabili o mabibili nila o isa sa kanila habang sila ay naglilive-in o nagsasama maski isa lang sa kanila ang nagtatrabaho o kumikita at yung isa naman ay nag-aalaga lang ng mga anak at nagmemaintain lang ng family household. Dahil dito lahat ng property ay ikokonsidera ng batas na co-owner sila.

Kung sakali namang maisipan nilang magpakasal, “ang sa’yo ay akin at ang akin ay sa’yo” naman ang iiral sa lahat ng mga ari-arian nila.

Take note, na ito ay totoo lamang kung ang lalaki o babae ay walang sabit. Ang ibig sabihin, nang sila ay nagsama o naglilive-in, si lalaki o si babae ay walang asawa at may kapasidad mag-asawa pero hindi lang sila nagpakasal.

Kung si lalaki o si babae naman ay may asawa na at hiwalay lang ito rito, ang “hati-hati tayo” ay hindi aplikable.

Sa taong may asawa at nakikipaglive-in sa iba, ang mag-aapply pa rin sa kanya “ang akin ay sa’yo at ang sa’yo ay akin” maski ito ay matagal nang hiwalay sa asawa nito. Kaya kalahati ng ari-arian nito ay mapupunta pa rin doon sa tunay niyang asawa.

Read more...