Jinggoy: Na-single out ako

PAKIRAMDAM ni dating Sen. Jinggoy Estrada siya ay na-single out nang dalhin ng mga pulis sa presinto dahil sa paglabag umano sa social distancing policy habang namimigay ng bangus sa San Juan kahapon.

Itinanggi rin Estrada na namimigay ito ng pera at ang kanya umanong ipinamimigay ay ang bangus mula sa fishpond ng kanyang ina na si dating Sen. Loi Ejercito.

“Kalagitnaan ng pandemya, permit, eh namimigay lang naman tayo ng bangus at isa pa maraming mga tumutulong dito private individuals, civilians like me NGOs, civic organizations na umiikot sa San Juan wala naman permit. Eh bakit naman ako hinihingian pa ng permit, why single me out?” ani Estrada sa panayam sa telebisyon.

“Talagang this is plain harassment talagang pinapapigil ako ng mayor ng San Juan na tumulong dito sa aking bayan yun lang naman yun, plain and simple politics.”

Sinabi ni Estrada na ubos na rin yung bangus na ipinamimigay nito pero gagawa umano siya ng paraan para makatulong.

“Dito ako tinubuan ng tahid, dito ako nagkaroon ng pangalan kaya malaki po ang utang ng loob ko sa mamamayan ng San Juan.”

Dalawang linggo na umano siyang namimigay ng bangus ng puntahan ng mga pulis kahapon at dinala siya sa himpilan ng pulisya dahil sa paglabag umano sa social distancing policy.

Wala naman umanong isinampang kaso kay Estrada.

Nauna rito ay nagalit si Estrada kay Zamora dahil ipinahinto nito ang mobile market na inorganisa ng kanyang anak na si Janella dahil wala umanong permit.

Si Janella ang nakalaban ni Zamora sa nakaraang eleksyon.

Samantala, sinabi naman ni Zamora na kailangan na nakikipag-coordinate sa lokal na pamahalaan ang mga nagbibigay ng tulong upang matulungan ang mga ito sa pagsunod sa mga polisiya ng Enhanced Community Quarantine.

Read more...