MAGPAPATUPAD ng Extreme Enhanced Community Quarantine sa buong lungsod ng Navotas mula Mayo 6 hanggang Mayo 15.
Ipinalabas ni Mayor Toby Tiangco ang Executive Order TMT-029.
“Dalawang beses nang na-extend ang ECQ (April 30 at May 15). Dapat sa loob ng panahong ito, napababa na natin ang bilang ng nagpopositibo sa COVID-19. Subalit magpahanggang ngayon, patuloy na dumadami ang kaso sa ating lungsod. Karamihan sa mga pasyente ay namalengke o nag-grocery,” ani Tiangco.
“Sa nalalabing araw ng ECQ, kailangang magsagawa tayo ng matinding aksyon para matigil ang pagdami ng kaso o magkaroon ng “flattening of the curve.” Ito lamang ang paraan para makapamuhay tayo sa “new normal” sa ilalim ng GCQ at maiwasan ang panganib ng pagdami muli ng mga kaso.”
Sinabi ni Tiangco na sa ilalim ng EECQ ay mayroong nakatakdang araw kung kailan maaaring lumabas ang bawat barangay para mamalengke o mag-grocery, gamot at iba pang bibilhin.
“Tanging mga may hawak ng home quarantine pass ang pwedeng lumabas. Dapat sila rin ay naka-mask na natatakpan ang ilong at bibig.”
Maaaring lumabas ng Lunes, Miyerkules at Biyernes ang Barangay SRV, NBBS Kaunlaran, Bangkulasi, BBS, Navotas East, Sipac-Almacen, Daanghari, Tangos North, at Tanza 1.
Tuwing Martes, Huwebes at Sabado naman ang Barangay NBBS Proper, NBBS Dagat-Dagatan, NBBN, BBN, Navotas West, San Jose, San Roque, Tangos South, at Tanza 2.
“Lockdown o walang maaaring lumabas kapag Linggo. Ito po ay araw ng paglilinis at disinfection ng mga palengke,” ani Tiangco. “Mananatiling bukas ang mga drugstores o parmasya sa Linggo, May 10, para lamang magbenta ng emergency medicines. Walang itong ibibentang ibang produkto maliban sa gamot.”
Ang palengke, talipapa at grocery ay bukas mula 5 ng umaga hanggang 8 ng gabi.