ARESTADO ang tatlo katao nang makuhaan ng mahigit P2.5 milyon halaga ng hinihinalang shabu, sa buy-bust operation sa Lucena City, Quezon.
Nadakip sina Danilo Dumaplin alyas “Jay,” 29, residente ng Lucena; Claire Jan Alagon, 29, residente ng Muntinlupa City; at Crislyn Dolor alyas “Tanis,” 20, tubong Bacolod City, ayon kay Col. Audie Madrideo, direktor ng Quezon provincial police.
Isinagawa ng mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency, at lokal na pulisya ang operasyon sa Brgy. Mayao Crossing, dakong alas-5:30 ng hapon Sabado.
Dinampot ang mga suspek nang makabili sa kanila ng isang sachet ng shabu ang poseur-buyer, ani Madrideo.
Narekober sa mga suspek ang P5,000 buy-bust money, at nang halughugin ang kanilang kotse’y nakuhaan sila ng siyam pang pakete ng hinihinalang shabu, at isang timbangan.
Aabot sa 126.83 gramo ang nakuhang droga sa mga suspek, at maari itong maibenta sa halagang P2.581 sa lansangan, ani Madrideo.
Nakaditine ang mga suspek sa Lucena City Police Station para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law.