BENTANG-BENTA sa mga netizens ang bagong paandar ni Ivana Alawi sa kanyang latest vlog sa YouTube.
Pero kung may mga natawa at naaliw rito, meron din namang nangnega sa Kapamilya sexy star sa ginawa niyang bagong prank kung saan nabiktima niya ang kanyang mga kapatid.
Naisip kasi ni Ivana na gisingin ang mga kapatid niyang sina Mona at Hashim sa pamamagitan ng paglalagay ng “ipis” sa kanilang mga kama.
Sa kanyang video, ikinuwento ni Ivana na talagang bumili pa siya ng 500 laruang ipis na ikinalat nga niya sa kama nina Mona at Hashim habang natutulog ang mga ito sa kani-kanilang kuwarto.
Sabi pa ng sexy actress, parehong takot sa ipis ang kanyang mga kapatid kaya ito ang naisip niyang ganti sa ginawang prank sa kanya ng mga ito kamakailan.
Dinedma-dedma kasi siya ng kanyang pamilya sa isang viral video na talagang ikinalugkot niya hanggang sa maiyak na siya.
Sey pa ni Ivana, gumising talaga siya nang maaga para magawa ang kanyang “maitim na balak”.
Kitang-kita naman sa video ang matinding gulat at takot ng kanyang “biktima” nang magising ang mga ito na punumpuno ng “ipis” ang kanilang kumot at kama, lalo na si Mona pang mapaiyak.
Aliw na aliw din ang mga viewers sa reaksyon ni Hashim na nag-ala action star sa pagbangon nang makita ang nagkalat na ipis sa kanyang kwarto. Bukod dito, mas dumami pa ang nagka-crush sa binatilyo dahil sa nasabing video.
Sa loob lang ng siyam na oras, naka-1.7 million views na ang “Ipis Prank” ni Ivana sa mga kapatid.
Samantala, hindi naman sang-ayon ang ilang Pinoy sa ginawang pananakot ng aktres sa kanyang mga nakababatang kapatid. Nakakatawa raw ang video pero posibleng magkaroon din ito ng masamang epekto sa mga bata.
Comment ng isang nakapanood ng video, “Nakakatawa siya talaga pero ano yung magiging epekto nun sa tinakot niya? Im sure may effect yun sa taong nagising tapos biglang natakot. Paano kung may heart ailment yung biktima nya?”
“Sana gawin din sa kanya yun ng mga kapatid niya para its a tie! OK lang naman mag-prank pero wag naman yung pwede kang atakihin sa puso lalo pa’t bata pa kapatid nya. Laging nasa huli ang pagsisisi Ivana tandaan mo yan,” sabi naman ng isa pa.