Lasing na aktor nagsusuka sa taping; tinalakan ni Jaclyn 

NAKATIKIM ng talak ang isang pasaway na aktor sa award-winning actress na si Jaclyn Jose.

Naikuwento ito ng 2016 Cannes Best Actress sa first session ng Actors’ Cue last Friday na napanood sa Facebook page ng Extend the Love.

Dito, nagsama-sama ang mga seasoned actress para sa isang masayang chikahan sa gitna ng health crisis sa bans. Nakasama rito ni Jaclyn sina Lorna Tolentino, Gina Alajar, Sandy Andolong at Elizabeth Oropesa.

“The #ExtendTheLove Initiative was founded to help affected film workers during the enhanced community quarantine by offering free streaming of films like ‘4 Days,’ ‘Kinabukasan’ online and asking viewers for donation,” ayon sa statement ng #ETL organizers.

Sa isang bahagi nga ng Actors’ Cue, may pa-blind item si Jaclyn tungkol sa isang aktor na pinagalitan niya dahil dumating sa taping ng lasing at sumuka pa nang sumuka.

“Ako talaga, bilang lumaki ako kay Tita Chato (palayaw veteran actress na si Charito Solis), di ba?

“Sa kanya ko natutunan yung, ‘You have to discipline the next generation. If not, walang mangyayari sa industriyang ito.’ Meron na akong nasabihan na aktor ngayon na ganoon, e,” chika ng nanay ni Andi Eigenmann.

Patuloy pa niya, “Sabi ko, ‘This is not because of my winning. This is my personality as an actor.’

“Sabi ko, ‘Kaya walang nangyayari sa industriyang ito, dahil sa mga artistang kagaya mo!’ Ha! Ha! Ha!

“Ang sa akin, lalo tayong magtatagal dito, imbes na maaga tayong makauwi nang sabay-sabay, makasama natin ang pamilya natin,” lahad pa ni Jaclyn.

Dumepensa naman agad ang aktres at sinabing hindi siya talaga yung tipo ng artista na tumatalak sa kanyang mga pasaway na co-stars. Talagang naimbiyerna lang siya dahil sobra na ang ginawa ng katrabaho niyang aktor.

“Kasi dumating siya, lasing. Nagte-take na kami, in the middle of the take, sumuka. Sumusuka.

“Tapos, tapos, we have to stop. Ibig kong sabihin, tapos, kailangan pang bigyan ng kape, punasan. 

“Iyon yung range ko lang naman ng intensity. Baka kasi isipin ng iba, terror ako. Hindi naman,” aniya pa.

Tawa naman nang tawa sa kuwento ni Jaclyn sina Gina at Elizabeth na nag-share rin ng kanilang mga hindi malilimutang experience sa ilang dekada nang pagiging artista.

Mapapanood ang second session ng Actors’ Cue ngayong Linggo, 8 p.m., sa FB page pa rin ng Extend The Love kasama pa rin ang moderator na si Direk Adolf Alix, Jr..

Makakasama naman dito sina Raymond Bagatsing, Nonie Buencamino, Ricky Davao, Alan Paule at Bembol Roco. Susundan pa ito ng ikatlong session sa May 4, Lunes, 8 p.m., tampok naman bilang panelists sina Piolo Pascual (Philippines), Ananda Everingham (Thailand), Nicholas Saputra (Indonesia), at Rhydian Vaughan (Taiwan).

“Salamat po sa lahat ng nanood and to our guests – Tuding Alajar, Sirena Ng Laot, Jaclyn Jose, Jacqueline Elizabeth Freeman and Victoria Lorna Fernandez. It was a great conversation. 

“Thank you Kuya Rodel Valiente for helping us mount this. And to Sir Jojo Devera for lending us some clips. #ExtendTheLoveActorsCue Series 1. Looking forward to the next one this Sunday and Monday,” ang mensahe naman ni Direk Adolf.

Read more...