Naloko na: 8K ayuda ng 1 ina may ibang kumobra

NAPALITAN ng lungkot ang saya ng isang ina sa Caloocan City.

Matapos kasing malaman na kasali siya sa listahan ng mga bibigyan ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program, nadiskubre niya na mayroon nang kumuha ng P8,000 na kanya sanang matatanggap.

Ibinulalas ni Nicole Longcop ang masamang karanasan na ito ng kanyang 49-anyos na ina sa social media.

Ayon kay Nicole isa ang kanilang pamilya sa nabigyan ng SAP form ng Department of Social Welfare and Development.

Noong Abril 28 ay nabalitaan ng kanyang ina na nagbibigay na ng tulong pinansyal sa Ruñez court ng Brgy. 188 ang DSWD kahit na walang natanggap na text basta nasa masterlist ay maaari ng makakuha.

Alas-8 ng umaga kinabukasan ay pumunta si Gng. Longcop sa court kasama ang ilang kapitbahay.

“In-announce at pinapapila ALPHABETICALLY kung sino-sino ang qualified. Medyo congested na nga ‘yong court eh. Luckily (mga 1:30pm), sinabi kay mama no’ng worker na tumitingin sa masterlist na nandoon ‘yong name ni papa (SI PAPA ‘YUNG NILAGAY NI MAMA NA HEAD OF THE FAMILY, eh sino ba dapat diba).”

“Pero napansin no’ng worker na OFW si papa. Kaya nagkaro’n ng commotion. Ang ending, pinapunta siya kay Kapitana sa mismong office nito. Sinabihan si mama na gumawa na lang si papa ng AUTHORIZATION LETTER. Nakauwi si mama mga around 3pm pero walang dalang ayuda from SAP.”

Noong Abril 30 ay bumalik si Gng. Longcop dala ang authorization letter “To her dismay, mga 2pm ng hapon, sinabi sa kanya ng dswd worker na MAY PIRMA NA ‘YONG NAME NG PAPA KO. IBIG SABIHIN MAY NAG-CLAIM NA.”

“How could that possibly happen kung NASA MAMA KO LANG ‘YONG LETTER AT IBANG VALID ID’S NG PAPA KO. HINDI PIRMA NG BOTH PARENTS KO ‘YONG NASA PAPEL. MALABONG SA AMING DALAWA NG KAPATID KO KUNG MAGDADALAWANG BUWAN NA KAMING HINDI LUMALABAS.”

Sinubukan ni Gng. Longcop na lumapit sa barangay pero “HINDI SIYA PINAPASOK NG BANTAY. (Hindi ba’t sinabi ng PANGULO na lumapit sa kapitan o mayor kung hindi nakatanggap ng SAP?) WALANG PIRMA NG DSWD ‘YONG LIKOD NG KALAHATI NG FORM NG MAMA KO.”

Sinabi ni Nicole na bagamat nagtatrabaho sa Dammam, Saudi Arabia ang kanyang ama ay “may pera na”.

“May pandemic ngayon. Lockdown din po sa kanila. Pati sa bansa kung sa’n nagtatrabaho papa ko. Meaning, 2 months ding walang nadating na padala sa’min. Kaya ‘wag ninyo sanang iisipin na porke ofw ma-pera na. Hustisya naman diba.”

“Okay lang sana kung ‘yong nakakuha ng pera, eh ‘yong gaya ni lolo na napabalitaang nahimatay sa Masbate. Kasi deserved nila ‘yon. Pero kung sa kamay ng iba LANG napunta… Kayo na bahala humusga.”

Ilang beses na umano nilang sinubukan na tumawag sa Department of Interior and Local Government (DILG) pero “hindi sumasagot hanggang sa naubos na lang ‘yung load namin.”

Humingi na rin umano sila ng tulong sa Malacañang, at social media account ng Media entities.

“Lumapit na rin ako/kami sa mga kakilala namin pwedeng maiparating ‘yong concern namin sa nakatataas. Wala pa kaming nakukuhang response. Pero mag-aantay kami.”

Naalala rin ni Nicole ang sinabi ni Pangulong Duterte na ipost sa social media ang mga reklamo kaugnay ng SAP.

“KAYA PINOST KO NA ‘TO PARA MA-ADDRESS ‘YUNG COMPLAIN NG PAMILYA KO NA WALA KAMING NATANGGAP KAHIT SINGKO SA SAP NA UNDER NG NAME NG PAPA KO. Gusto namin MA-CLEAR ‘yong name ni papa kahit hindi na kami bigyan ng ayuda na ‘yan NANG HINDI MABALEWALA ‘YONG PAGOD NG MAMA KO SA PAGPILA SA COURT. NAKITA KO ‘YONG PAGOD SA MATA NI MAMA, ‘YONG GUSTONG UMIYAK PARA MA-RELEASE ‘YONG TENSE PERO HINDI NIYA GINAWA.”

Pinatutsadahan pa ni Nicole ang DSWD na tinawag niyang “[DEPARTMENT OF SELECTION AND WRONG DISTRIBUTION (?)]”

Read more...