7 rebelde patay sa engkuwentro

NPA

PITONG kasapi ng New People’s Army ang napatay sa magkakahiwalay na engkuwentro laban sa mga tropa ng pamahalaan sa iba-ibang bahagi ng bansa, matapos ang ceasefire ng rebeldeng grupo, ayon sa mga otoridad.

Apat na rebelde ang napatay sa mga engkuwentro sa Masbate at Agusan del Sur.

Sa Masbate, napatay ang mga rebeldeng sina Deogenes Dela Cruz alyas “Joning,” 48, at Jerome Dela Cruz, 24, sa Sitio Dalakit, Brgy. Mac Arthur, bayan ng Monreal, alas-5 ng umaga Huwebes, ayon sa ulat ng provincial police.

Sadyang nagtungo sa naturang lugar ang mga sundalo’t pulis para dakpin ang rebelde ring si Pipoy Bartolay, pero pinaputukan sila ng aabot sa 15 kasapi ng NPA, ayon sa ulat.

Dahil dito’y gumanti ang mga tropa ng pamahalaan, at tumagal nang 15 minuto ang palitan ng putok.

Narekober sa pinangyarihan ang isang M16 rifle, dalawang Carbine rifle, anim na improvised explosive device, 12 magazine, sari-saring bala, aat mga bandolier.

Sa Agusan del Sur, dalawang rebelde din ang napatay nang makasagupa ng Army 26th Infantry Battalion ang NPA sa Sitio Mahayon-hayon, Brgy. Guibonon, bayan ng Esperanza, alas-10:30 ng gabi Huwebes, ayon sa ulat ng AFP Eastern Mindanao Command.

Bago ito ay nakasagupa din ng 26th IB ang mga rebelde Huwebes ng hapon, at doo’y nasugatan ang sundalong si SSgt. Joseph Hulibayan.

Una nang inulat ng militar na tatlong rebelde ang napatay at isang sundalo ang nasugatan sa engkuwentro sa Bindoy, Negros Oriental, noon ding Huwebes ng hapon.

Matatandaang nagdeklara ng kanya-kanyang ceasefire ang gobyerno at Communist Party of the Philippines (CPP) hanggang Abril 15, para bigyang daan ang pagresponde sa krisis na dulot ng 2019-Coronavirus disease.

Di na pinalawig ng gobyerno ang ceasefire nito matapos iyon, habang nagdeklara ang CPP ng extension sa tigil-opensiba ng mga rebelde hanggang Abril 30.

Inakusahan ng magkabilang panig ang isa’t isa ng paglabag sa kanya-kanyang ceasefire, bago nagpasyang wag na itong palawigin.

Dahil sa pagwawakas ng ceasefire ng mga rebelde, isinailalim ang National Police sa pinakamataas na alerto.

Ang pagtataas ng “full alert” ay batay sa utos ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, ayon kay PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac.

“On top of our duty to implement strict quarantine measures to stop the spread of [the COVID-19] pandemic, the PNP assures Filipinos that your police and military are united behind our commander-in-chief President Rodrigo Roa Duterte to enforce our mandate to uphold public safety against this communist terrorist group,” aniya.

“We will continue to uphold the imposition of the enhanced community quarantine in high-risk areas and general community quarantine in the rest of the country from May 1 to May 15, based on government guidelines,” aniya pa.

Read more...