BILANG isang registered nurse, pinaalalahanan ni Rocco Nacino ang lahat na doblehin ang pagbibigay proteksiyon sa mga matatandang miyembro ng pamilya sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nagbigay ng ilang tips ang Kapuso actor sa lahat ng Pamilyang Pinoy na may kasamang senior citizen sa bahay, lalo na doon sa mga medyo pasaway at makukulit na.
Ayon sa binata, kailangang laging ipaalala sa mga ito ang lahat ng tungkol sa COVID-19, lalo na ang naging epekto nito sa buong mundo.
Hangga’t maaari ay huwag na silang palabasin ng bahay dahil sa kanilang mas mababang immune system. Ani Rocco, kailangan talaga ng “extra precautions” para sa mga nakatatanda nating mga kapamilya.
Pareho na ring senior ang magulang ni Rocco kaya inaatake rin siya ng kaba, “For me, the best way talaga is to educate people, ikukuwento sa kanila kung ano ang mangyayari.
“Siguro para fair, i-limit n’yo na lang ‘yung oras na nasa labas kayo. Siguraduhin na may kasama sila na magre-remind sa kanila na huwag na huwag humawak sa mga bata o kung sino man,” unang tip ng Kapuso actor.
Habaan din daw ang pasensiya at pang-unawa para sa ating mga senior, “Alam ko lahat tayo may problem with the elders na hindi nakikinig.
“Kaya dapat mahaba [ang] pasensya natin na huwag tayong mag-resort sa negative reinforcement na papagalitan natin sila.
“More on mag-suggest tayo nang mag-suggest baka mas okay limitahan natin ‘yung paglabas ny’o.
“Magsuot kayo ng gloves, magsuot kayo ng mask. Labas konti tapos balik ulit sa bahay,” pahayag pa niya.
Dugtong pa ng binatang nurse, “Kung ako mas i-e-encourage ko na lang na manood sila ng TV, mga programa ng GMA para matuwa na lang sila.”