Zero kotong sa Maynila, harinawa…

ZERO kotong na raw sa lungsod ng Maynila matapos baklasin ni dating Presidente at ngayon ay mayor Erap Estrada at Traffic czar Vice Mayor Isko Moreno ang mga illegal terminals. Daang libong piso araw-araw ang nakokotong sa isang terminal lamang sa Plaza Lawton. Sibak din ang illegal terminal ng mga pulis at barangay sa Divisoria, Sta Cruz, Sampaloc at Paco.

Simple lang ang naging solusyon: Pinalitan ang hepe ng Manila Police Dtsrict at ilang station commanders kasabay ng pagpapatupad ng one strike policy sa illegal vendors, sugal at iba pang krimen.

Dahil dito, naging kapansin-pansin ang pagluwag ng traffic sa mga main roads at maging sa paligid ng mga palengke. Disiplina lang pala ang kailangan at hindi dapat corrupt ang mga taga City Hall. Pero, hindi kaya ningas-cogon lang it, ha Mayor Erap at Vice Isko? Baka bandang huli ay masilaw din ang mga bata ninyo sa kinang ng pera?

Sa totoo lang, parang sinasampal tuloy ang mga mayor sa paligid ng Maynila. Bakit hindi nila kayang buwagin ang mga illegal terminals na talamak ngayon sa Calookan, Quezon City, Pasay City, Paranaque, Muntinlupa, Mandaluyong, Makati,Taguig at maging sa mga kalapit lalawigan?

May bendisyon ba ang mga mayor ng mga local governments na ito sa kanilang chief of police at Station commanders para magpatuloy ang illegal terminals at illegal vendors, kahit bwisit na ang kanilang mga constituents. O baka naman, me parte na rin sina Mayor diyan lalot libu-libong piso bawat araw pala ang tong collection?

SIKRET SERBIS: Sino itong Mayor sa Metro Manila na galit na galit ang isang sikat na babaeng television newscaster dahil tinataga siya sa kinukuha niyang tax clearance para sa kanyang lupa? Hindi yata nirespeto pati ang premyadong broadcaster?
Sino naman itong bagong halal na alkalde sa Metro Manila na “good government” ang ikinampanya noong eleksyon , pero ang hinirang niyang treasurer ay sinuspindeng ilang beses ng Ombudsman dahil sa mga katiwalian? I-text nyo na lang sa amin ang sagot….

Editor: May komento o tanong ba kayo sa artikulong ito? I-text ang PIKON, pangalan, edad,lugar at mensahe sa 09178052374. Si Jake Maderazo ay araw-araw rin na napakikingan sa RADYO INQUIRER DZIQ 990AM alas-6 haggang alas-9 ng umaga sa programang BANNER STORY kasama si Arlyn Dela Cruz.

Read more...