RAMDAM na ramdam ng Kapuso actor na si Rocco Nacino ang matinding hirap at sakripisyo ng mga medical frontliners na patuloy na nakikipaglaban sa COVID-19 crisis.
Isang registered nurse ang binata kaya alam niya kung gaano ka-toxic ang pagtatrabaho ng mga healthcare workers sa mga ospital na nangangalaga sa mga COVID patients.
Ani Rocco, isang simpleng pagbati lang o pagpupugay sa mga frontliners ay malaking bagay na para palakasin ang kanilang loob.
“Being in that field as a nurse, na-expose na ko sa operating room, sa delivery room, sa emergency room,” kuwento ng aktor sa panayam ng GMA 7.
“On a normal day na walang ganito, it’s crazy. It’s what you call toxic. ‘Yun ‘yung term nila sa ospital na grabe ‘yung trabaho na 24 hours nakatayo ka lang, iihi ka lang mabilis, tapos next patient ka na.
“Ang feeling ko with what’s happening ngayon, doble pa ‘yung trabaho nila. I really feel for them,” pahayag pa ng Descendants of The Sun actor.
Ayon pa kay Rocco, bukod sa posibleng mahawa sa killer virus, maaari ring maapektuhan ang kanilang mental health kaya malaking tulong ang pagpapahayag ng pasalamat at pagsuporta sa mga bayaning frontliners.
“And daming nagpapagawa ng thank you messages or message of support for the frontliners. Hindi na ako nagdadalawang-isip, okay na agad, sige, sino papasalamatan natin?
“Let’s do this video to really boost their morale, to keep them going. Kasi hindi lang physical tiredness, it’s mental game na, kumbaga.
“So after doing this for one month talaga, it will take its toll on you. Sa mga tao nga na nasa bahay lang sila for one month, nag-i-scroll lang sa social media, nababaliw na sila.
“What more sa mga frontliners na araw-araw nagtatrabaho,” pahayag pa ng Kapuso star.