Mother’s Day concert ni Mega tuloy na; ‘Dasal’ ni Yeng kontra COVID 

INILABAS na ni Yeng Constantino ang radio edit ng kanta niyang “Dasal,” na hangaring pagaanin ang loob ng mga Pinoy sa pamamagitan ng paalala na laging nandiyan ang Panginoon lalo na sa gitna ng mga pagsubok.

“May mga tanong tayo na minsan mahirap talagang masagot. Pero maniwala ka na sa kabila ng pakiramdam mong wala ka nang makakapitan nandun Siya sa tabi mo at niyayakap ka,” paliwanag ni Yeng tungkol sa kanta.

Ang original version ng “Dasal” ay kasama sa album na “Synesthesia” ni Yeng sa ilalim ng Star Music, at maaaring iugnay sa Bible verse na Isaiah 41:10 (NIV), na nagsasabing, “So do not fear, for I am with you; do not be dismayed, for I am your God. I will strengthen you and help you; I will uphold you with my righteous right hand.”

Samantala, inilabas na rin ang music video ng “Dasal” na gamit ang original version ng kanta.

“Matagal na po namin na-shoot yung video nun pero sobrang napapanahon po ngayon ang mensahe. Sa mga nalulungkot na diyan dahil sa nangyayari sa atin ngayon yakap mula sa akin sa pamamagitan ng isang kanta. Kaya natin to,” sabi ni Yeng.

Marami naman ang agad nag-comment ng mga postibong mensahe sa music video sa YouTube, kung saan pinuri ng mga netizen ang kahalagahan ng paglalabas ng mga napapanahong awitin sa panahon ngayon.

“Ang dasal ay isang oportunidad na makausap ang Maylikha. It’s free! Congrats to the production team of this MV, naiparating nyo ang mensahe ng awitin! Congrats Yeng!” komento ni Eduard Grajo.

“This MV was published timely and expressed what we really need to do now. One prayer will change the situation we’re facing now. What more if we all do it in our own ways?” sabi naman ni Ira Mae Carlos.

Lumapit sa kanlungan ng Diyos at pakinggan ang radio edit ng kantang “Dasal” ni Yeng sa iba’t ibang digital streaming platforms. Panoorin din ang music video nito sa YouTube channel na Yeng Constantino Music. 

* * *

Handog naman ni Megastar Sharon Cuneta ang isang espesyal na pagpupugay at selebrasyon para sa lahat ng ina sa kanyang fundraising concert na pinamagatang “Sharon: Love and Music, A Mother’s Day Special.” 

Ito’y mapapanood sa ABS-CBN Facebook, YouTube at website ngayong May 10, 8 p.m..

Kasama si Maestro Louie Ocampo, maghahatid si Sharon ng isang gabing puno ng musika sa pag-awit niya ng ilan sa mga pinakasikat na awiting siguradong magdadala ng saya, pag-ibig, at inspirasyon sa bawat tahanan.

Bukod naman sa selebrasyon ng Mother’s Day, ang concert ay naglalayon ding makalikom ng donasyon para sa “Pantawid ng Pag-ibig” campaign ng ABS-CBN, na gagamitin bilang pambili ng pangunahing pangangailangan ng mga mamamayang lubos na apektado ng enhanced community quarantine.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagbigay ng tulong ang Megastar ngayong panahon ng krisis. 

Kamakailan lang ay naghandog siya ng P1 milyon donasyon para sa Bantay Bata 163 sa katatapos lang na fundraising concert ni Regine Velasquez, at nag-abot din ng P3 milyon sa kampanya ng aktres na si Angel Locsin para sa mga pangangailangan ng frontliners.

 

Read more...