ARESTADO ang isang Norwegian at kinakasama niyang Pilipina para sa pago-operate ng cybersex den, sa Dumaguete City, Negros Oriental.
Nadakip sina Ronny Bratlistuen, 42, at live-in partner niyang si Jesebelle Cometa, 22, ayon sa ulat ng PNP Criminal Investigation and Detection Group.
Nasagip naman ang tatlong babaeng may edad 23, 27, at 46, na pawang mga inempleyo ng mga suspek, at ang 4-anyos na anak ng isa sa mga babae.
Sinalakay ng mga tauhan ng CIDG-Negros Oriental, Dumaguete City Police, iba pang police unit, at City Social Welfare and Development Office ang inuupahang bahay nina Bratlistuen sa Brgy. Candau-ay, dakong alas-2:30 ng hapon Miyerkules.
Nasamsam sa bahay ang 24 sari-saring sex toys, sex rings, at mga vibrator; anim na laptop; isang desktop computer; headset;
cellphone; at tatlong notebook.
Nakumpiska din ang mga pasaporte nina Bratlistuen, Cometa, at ng isa sa mga biktima, pati sari-saring dokumento.
Isinagawa ang operasyon matapos isumbong ng isa sa mga biktima sa lokal na pulisya ang mga iligal na aktibidad sa bahay.
Sinabi pa ng mga biktima sa pulisya na kahirapan ang nagtulak sa kanilang pumayag sa ganoong gawain.
Sasampahan sina Bratlistuen at Cometa ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act, at Cybercrime Prevention Act.