PINALIGAYA ni Alden Richards ang kanyang fans and social media followers sa kanyang Instagram Live session habang naka-lockdown pa rin ang bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Nakipagkuwentuhan ang Asia’s Multimedia Star sa mga netizens sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine suot ang favorite niyang white shirt at Mickey Mouse boxer shorts.
Bukod sa pagsagot sa mga tanong ng kanyang fans, ipinakita rin ni Alden ang kanyang mga koleksyon tulad ng Iron Man action figures at mga awards, ilang parte ng kanyang bahay at ang mga alagang aso.
Kasama ng Pambansang Bae sa bahay nila ngayon sa Laguna ang kanyang tatay, nakababatang kapatid, lolo at lola, at mga kasambahay.
Ani Alden siya ang “alay” ng pamilya ngayong panahon ng COVID-19 crisis dahil siya ang lumalabas para mag-grocery, “Ako ang runner, ako ‘yung lumalabas para bumili ng supplies.”
Triple naman daw ang ginagawa niyang pag-iingat kapag lumalabas siya. Pag-uwi niya sa bahay sasalubungin na siya ng kasambahay para ibigay ang pamalit na damit.
Bago pumasok sa bahay, magbibihis na siya sa garahe at maghuhugas ng kamay saka aakyat sa kanyang kwarto para maligo.
“I can’t risk the situation, kasi nasa bahay din ang lolo at lola ko, mahirap na. Ayoko silang magkasakit,” ani Alden.
Tungkol naman sa extended lockdown, naniniwala ang Pambansang Bae na mapagtatagumpayan ng mga Pinoy ang pagsubok na ito.
“It’s a matter how you see things, how you see the current situation you are in. For me, the silver lining, this is really happening for a reason. May mga bagay na we don’t understand and sometimes it’s unfair,” pahayag ni Alden.
Ito naman ang mensahe ng Kapuso TV host-actor sa mga bayaning frontliners, “Buhay na ang nilalagay nila sa bingit ng (kamatayan). Ang dami ko pong nakausap na frontliners kahapon. Sabi nu’ng isang na nakausap ko, ‘Kapag natakot, sinong magliligtas? Kapag natakot, sino ang popronta?”
“Ang tapang ng frontliners talaga ang saving grace natin dito. You are our new heroes. We can’t thank you enough. Thank you, frontliners. Maraming salamat,” pagpupugay pa ni Alden sa lahat ng bagong bayani ng Pilipinas.