HINAHANTING na ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang sindikato sa internet na gumagamit kay Willie Revillame at sa Wowowin para makapanloko.
Muling binalaan ng TV host-comedian ang publiko sa mga online scam at fake social media accounts na gumagamit sa kanyang pangalan at mga litrato.
“Hindi po totoo na meron akong Facebook, Twitter o YouTube,” paalala ni Willie sa isang episode ng Wowowin (Tutok To Win) na patuloy na namimigay ng cash prize sa mga manonood.
Aniya, wala siyang social media account dahil hindi siya marunong gumamit nito. Tumutok lang daw sa official accounts ng Wowowin sa Facebook, YouTube at Twitter at sa GMA Network.
“Wala po akong kinalaman dyan. Hindi po akin ‘yan. Iyan po ay isang fake account sa Facebook. Pinapahanap na po namin ‘yan sa NBI.
“Ni-report ka na namin. May kakatok sa ‘yo, may posas ka na. Wala kayong ginawa kundi mangwalanghiya ng tao. Sa panahon na ‘to ba naman gagawa pa kayo ng ganyan?
“Bakit mo sasabihin na sinabi ko ‘yan? Kaya nga kami nagso-show dito para sa mahihirap, sa mga walang makain. Bakit ko sasabihin ‘yan.
“Magdasal ka nga, mag-isip ka nga. Dapat itong panahon na ‘to, hindi ba, puro pagmamahal, pagmamalasakit sa kapwa ang ginagawa natin,” mensahe ng komedyante.
Pahabol pa niya, “Huwag kayo maniniwala sa mga pages o groups na sila ay ‘Tutok To Win.’ Dito niyo lang ho mararamdaman ‘yan.
“Ako, kapag live sasabihin ko sa inyo. Wag n’yo hong ibigay ang inyong mga contact number. Maraming manloloko, ‘Ako si Willie, may P10,000 ka.’ Lolokohin lang kayo niyan. ‘Pasahan mo ako ng load. Bigyan mo ako ng ganito.’ Ako po ang magsasabi dito. ‘Pag hindi ako, hindi valid ‘yan.
“I-PM sa Facebook, eto ha sa Wowowin Facebook ang inyong pangalan, address at contact number. Kami po ang tatawag sa inyo.
“Ako po mismo, kami. At wala kaming hihinging pera. Kami ang magbibigay ng pera para sa inyo,” pahayag pa ng Kapuso host.