MAGANDA lang magdala ng problema si Alden Richards, palaging positibo ang kanyang pananaw, pero kung meron mang personalidad na dobleng tinamaan ng enhanced community quarantine ay isa siya sa mga nangunguna sa listahan.
Pagkain ang mas piniling linyahang negosyo ng Pambansang Bae, na tama lang naman, dahil pangunahin nating pangangailangan sa araw-araw nating buhay ang pagkain.
Sa totoo lang, puwede tayong hindi makiuso sa mga materyal na bagay, pero hindi natin puwedeng tikisin ang kalam ng ating bituka.
Pero lahat ng negosyo ay may kakambal na risko, walang business na walang downside na tinatawag, pana-panahon ‘yun.
Isang taon na ngayon ang kanyang food chain, matatag na negosyo ang pagkakaroon ng prangkisa ng mga sikat na kainan, pero sino nga ba ang mag-aakala na masasagasaan din pala ‘yun ng lockdown?
Pansamantalang nagsarado ang sangay ng McDonald’s niya sa Biñan, Laguna Highway.
Matindi ang implementasyon ng ECQ, lahat ng mga negosyo ay kailangang magsarado, pero walang pinabayaang empleyado ang Pambansang Bae.
Alam niya na sa pagkawala ng pagkakakitaan ng kanyang staff ay tuloy pa rin ang kanilang mga pangangailangan, hindi nagpabaya si Alden, sinuportahan niya ang mga itinuturing niyang katambal sa kanyang negosyo.
Wala ring may gusto sa naganap, pero kinailangan din nilang magsara ng kanyang mga kasosyo sa Concha’s restaurant sa Tagaytay, apektado sila sa pagtutok ng bulkang Taal.
Pero ang lahat ay pansamantala lang, ngayon ay tuloy na uli ang pagseserbisyo ng kanyang food chain, puro take-out nga lang muna at walang dine in dahil sa pagsunod sa social distancing.
Alam ni Alden ang mga kakambal na risko ng pagnenegosyo, hindi na bago sa kanya ang mga pinagdadaanang paghamon at problema ng mga nagnenegosyo, nakahanda siya sa ganu’ng laban.
Hindi nga naman araw-araw ay fiesta, natural lang na paminsan-minsan ay nakakaengkuwentro rin sila ng mga hindi kagandahang senaryo, pero hindi ‘yun magpapahinto sa ikot ng kanilang mundo.
Isa si Alden Richards sa mga personalidad na inilalagay sa tamang bulsa ang kanyang mga pinaghihirapan. Alam niya kung saan siya mamumuhunan at susugal.
Maaga niyang pinaghandaan ang kanyang kinabukasan, alam niya na isa sa mga trabahong walang katiyakan ang pag-aartista, kaya habang maganda ang pasok ng mga biyaya ay kailangan niya nang magtabi para sa kanyang hinaharap.
* * *
At hindi lang kay Alden Richards nangyayari ngayon ang mga paghamon sa pagnenegosyo, kahit ang malalaking negosyante ay nag-iiyakan na rin, dahil mahigit na isang buwan na silang hindi kumikita.
Tuloy ang paggastos sa araw-araw, tuloy ang ikot ng kanilang buhay, puro palabas ang pera na wala namang pumapasok na kapalit.
Maraming bawal, maraming rekotitos na pinaiiral, kaya malalaking negosyante mang naturingan ay umaangal na rin dahil sa pagpapairal ng ECQ.
Pero mas matindi ang kinakaharap na problema ngayon ng mga manggagawang walang kinikita. Walang trabaho, walang biyaya, walang mapagkukunan ng kanilang mga pangangailangan sa kada araw.
Karamihan sa kanila ay umaasa na lang sa ayuda ng kanilang komunidad, nabubuhay muna sila sa rasyon ng pamahalaan ngayon, dahil wala naman silang pamimilian.
Hanggang sa May 15 pa ang ekstensiyon ng lockdown. Kinakaya pa rin ‘yun hanggang ngayon ng ating mga kababayan.
Ewan na lang kung kakayanin pa rin nila ang panibagong pagpapahaba ng panahon ng ECQ, parang hindi na.