SWAK sa selda ang isang lalaki na nagpakilala umanong sundalo at nahulihan ng mga bote ng alak sa Quezon City kanina.
Si Brando Busca, 41, ng Kapalaran St., Litex Road, Brgy. Commonwealth, ay naaresto alas-3:25 ng umaga ng mga tauhan ng District Mobile Force Battalion na nagbabantay sa quarantine control points sa Payatas Road.
Galing umano ang suspek sa Rodriguez, Rizal area at sakay ng Nissan Navarra (NCJ 5168).
Wala umanong maipakitang exemption ang suspek at nagpakilala na miyembro ng Armed Forces of the Philippines.
Nakita umano ng mga pulis ang isang kahon na may lamang 24 bote ng 355ml Mexican made Corona Extra La Cerveza Mas Fina Beer at isang kahon na may lamang 24 bote ng 355ml Stella Artois Belgium Beer.
Mayroon ding kalibre 9mm pistola ang suspek na may 15 bala pero walang maipakitang rehistro at permit to carry ang suspek.
Kasong Usurpation of Authority, paglabag sa liquor ban QC Ordinance No. 24 series of 2020 at Bayanihan to Heal As One Act ang isasampa laban sa suspek.