Pacquiao: Grabe ang pinagdaanan ko…hindi ako puwedeng takutin ng kahirapan! 

KUNG maraming pasaway dito sa atin ay ano kaya ang maitatawag natin sa mga Amerikanong nagbukas na ng kanilang mga establisimyento sa kabila ng banta ng corona virus?

    Sa East Coast, partikular na sa New York, ay lakas-loob na nagbukas na ng mga shop ang mga Puti dahil ang kanilang katwiran ay paano sila mabubuhay ngayong lockdown sa kanilang lugar?

    Araw-araw halos na nagpapa-presscon ang kanilang pangulo, panay-panay ang paalala sa kanyang mga nasasakupan na mamalagi na lang sa bahay, pero deadma lang ang mga Kano sa panawagan ni President Donald Trump.

    Grabe ang paglaganap ng COVID-19 sa Amerika, ang ikaapat na porsiyento ng kabuuang nagkakasakit-namamatay sa buong mundo ay hawak nila, kaya maraming manggagawa na nila ang nagpipiket sa mga kalye.

    Hindi rin nasusunod du’n ang social distancing, parang wala ring lockdown dahil napakaraming hindi sumusunod sa alituntuning mamalagi na lang sa kani-kanilang tahanan, mas pasaway pala ang mga Puti kesa sa mga Pinoy?

* * *

Ginagawang kapaki-pakinabang ng pamilya ni Senador Manny Pacquiao ang enhanced community quarantine. Tinuturuan nila ni Jinkee ang kanilang mga anak ng mga gawaing bahay.

    Nakakaaliw silang panoorin sa panayam ni Jessica Soho sa KMJS, makikitang sabay-sabay na naglalaba ang buong pamilya, tagasampay ang magkapatid na Michael at Jimwel at hirap na hirap naman sa pagkukusot ng mga labahin sina Princess at Queenie.

    Maganda ang paalala ni Senador Manny sa kanyang mga anak, hindi lahat ng panahon ay meron silang mga kasambahay na maaasahan, kaya kailangan silang matuto ng mga trabaho sa bahay.

    Sa madalas naming pagkukuwentuhan nu’n ni Pacman ay inaalala niya palagi ang nakaraan niyang buhay sa GenSan. Maaga pa lang ay tinuruan na silang magluto at maglinis ni Mommy Dionisia, pati ang paghahanapbuhay sa murang edad ay ginawa rin nilang magkakapatid, sanay na sanay siya sa hirap.

    “Naglalako ako ng pandesal na inaangkat ko sa isang panaderia, kapag naubos na ang paninda ko, magpupunta naman kami sa bundok para mangahoy.

    “Nakikiangkas kami sa malalaking truck na kukuha ng mga troso, nakasabit lang kami, buong hapon kaming nangangahoy sa bundok.

    “Sanay na sanay ako sa hirap, hindi ako puwedeng takutin ng kahirapan, dahil galing ako du’n. Kapag ikinukuwento ko nga ngayon sa mga anak ko ang mga hirap na pinagdaanan ko, e, parang ayaw nilang maniwala.

    “Pero grabe talaga ang mga pinagdaanan ko, batambata pa ako, kung anu-ano na ang trabahong pinapasok ko,” pag-alala ng Pambansang Kamao.

    Pero dahil sa pagsisikap at pagiging seryoso sa kanyang mga pangarap ay napakalayo na ng buhay niya nu’n sa ngayon.

    Nakatira na sila ngayon ng kanyang pamilya sa isang mansiyon, may mga naipundar na siyang bahay dito at sa Amerika, marami pa silang pinauupahang apartment sa Los Angeles at Las Vegas.

    Ang lahat ng meron siya ngayon ay produkto ng kanyang mga kamao. Walong dibisyon ang hawak niyang titulo sa boxing, nagkakaedad man siya ay parang hindi niya ‘yun nararamdaman, kaya handa pa rin siyang makipagsalpukan sa lona hanggang ngayon.

    At isang katangian kung bakit kinasihan ng kapalaran si Senador Manny Pacquiao ay ang kagandahan ng kanyang puso lalo na sa maliliit.

    Sikat na sikat man siya sa buong mundo ay estado lang ng kanyang ppamumuhay ang nagbago, hinding-hindi ang kanyang ugali at pagiging mapagkumbaba, kapuri-puri ang paghawak niya sa tagumpay.

Read more...