NAGSAGAWA na ang Philippine Sports Commission (PSC) ng mga paraan para mapanatili ang suporta ng pamahalaan sa mga national athletes at makatulong sa laban ng bansa kontra coronavirus (COVID-19) pandemic.
Sinabi ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez na ititigil na ang lahat ng mga PSC-funded sports activities ngayong taon upang maibigay ang halos lahat ng pondo ng ahensiya hindi lang sa mga pambansang atleta kundi para sa krisis na hatid ng COVID-19 pandemic.
Ipinaliwanag pa ni Ramirez na sinusunod lamang ng PSC ang direktiba ng Department of Budget and Management (DBM) na itigil ang lahat ng mga proyekto nito kabilang na ang mga ipinagbabawal na aktibidad ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases hanggang sa makalipas man ang enhanced community quarantine period.