GALIT na galit na pinatulan ni Pokwang ang isang netizen na nambasag sa reklamo niya tungkol sa mga poser at magnanakaw sa social media.
Nag-ugat ito sa panawagan ng Kapamilya comedienne na tulungan silang mga celebrities na i-report ang mga pekeng accounts sa Facebook at YouTube na gumagamit sa pangalan ng ilang artista.
Isa kasi siya sa mga nabiktima ng sindikato sa socmed na gumawa ng fake account gamit ang pangalan at litrato niya. Pati raw mga photo at video niya at ng kanyang pamilya ay ninanakaw din ng poser para pagkakitaan.
“Tandaan niyo, lahat ng panlalamang niyo sa kapwa, lahat y’an ay may balik sa inyo at sa buong pamilya niyo na pinapakain niyo ng nakaw,” ang hugot pa ni Pokwang sa isang video na ipinost niya sa kanyang socmed accounts.
Gusto na nga raw niyang makausap nang personal ang founder at chairman ng Facebook na si Mark Zuckerberg para isa-isahin ang hinaing niya at ng iba pang personalidad na nabiktima ng mga magnanakaw sa internet.
Dahil dito, isang netizen ang nagkomento sa mga post ni Pokey at tinawag pa siyang “entitled” na ang ibig sabihin daw ay, “believing oneself to be inherently deserving of privileges or special treatment.”
Resbak naman sa kanya ni Pokwang, “O isa kapa! Anong entitled pinag sasa sabi mo. tampalin kita dyan e!
“Ineng kung sanay ka rin magnakaw ituloy mo lang gaga ka!
“Wag ako ha baka pahanap kita malamang isa karing magnanakaw na animal KA!” gigil na gigil na banat pa ng komedyana.
Hirit pa niya, “Halatang sa mga posts mo wala kang paki alam sa paligid mo!
“Habang ako nanggigigil kasi yung mga kinikita ko sa YOUTUBE at Facebook na ninanakaw ng mga fake acct e maitutulong ko sa panahon ngayon!
“E ikaw ano puro ka lamon at pag lamon kaya wag ka makiaalam sa post ko din gaga! Feeling entitled mo mukha mo!”